Ipinagdiriwang natin ngayong Mayo Uno ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ngunit ano nga ba ang esensya ng okasyong ito sa atin bilang mga manggagawang Pilipino na nasa labas ng bansa? Isa lamang ba itong pista opisyal sa ating kalendaryo? Sapat na ba ang pansamantalang tumigil sa ating pang-araw araw na nakagawian, ang paghahanapbuhay?
Ang pagtakda ng pandaigdigang araw na ito noong 1904 ay hudyat ng patuloy na lumalaking bilang at tumitibay na organisadong pwersa ng uring manggagawa. Sa kanilang mala-aliping kundisyon sa paggawa nalilikha ang yaman sa lipunan. Ang mga tinatamasa nating mga karapatan at benepisyo sa kasalukuyan ay bunga ng mga napagtagumpayan mula sa kanilang sama-sama, militante , at buhay at kamatayang pagkikibaka. Mula sa 16 na oras bawat araw na paggawa ay nakamit ang walong oras bawat araw at iba pang mas makataong kundisyon sa paggawa.
Ang Mayo uno ay isang simbolo ng organisado at mulat na manggagawa. Simbolo ito ng tagumpay ng uring manggagawa at buong mamamayan sa daigdig laban sa mga naghaharing uri at kapitalistang pagsasamantala. Makalipas ang mahigit isang daang taon, patuloy na nagiging napakahalaga ng simbolong ito, laluna sa harap ng matinding atake ng mga mapagsamantalang uri upang bawiin ang mga tagumpay na nakamit at ipatanggap ang di makatarungang kaayusan sa paggawa bilang normal na takbo ng ating pamumuhay sa lipunan.
Hindi makatarungang tumanggap ng mababang sahod na di sapat sa ikabubuhay ng pamilya habang ang kapitalista’y walang lugar na mapagtapunan ng kanyang limpak limpak na tubo ! Hindi natin dapat tanggapin na normal ang kaayusan kung saan walang kapangyarihang panlipunan ang mga lumilikha ng yaman ng lipunan ! Habang ang mga kapitalista’t naghaharing uri ang syang nagdedesiyon ng ating kabuhayan at kinabukasan.
Ang patuloy na pagtalikod ni Pangulong Duterte na pawiin ang kontraktwalisasyon ay isang halimbawa nito. Higit na kinakatigan niya ang sulsol ng mga kapitalista at burukrata na tuwirang nakikinabang sa mga anti-mangagawang mga batas at patakaran sa paggawa.
Ang ipinatupad na Department Order 174 ng DOLE ay higit pang nagpapatibay ng kontraktwalisasyon sa bansa. Pinapatanggap na isang normal na kaayusan ang pagkamal ng labis na tubo ng mga kapitalista kung kaya’t tama lang tanggapin ang kompromisong ito. Naghuhugas kamay ang Pangulo sa pagpasa ng desisyon sa kongreso na kontrol ng mga kapitalista’t mapagsamantalang uri.
Hindi kataka-taka na patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga mangagawang Pilipino sa ibayong dagat. Sa sitwasyong wala o kulang ang trabaho, patuloy din sa pagtaas ang halaga ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain, tirahan, edukasyon, pagpapagamot, atbp. Sa ganitong kaayusan, ang pangingibang-bayan at ang pagbugaw ng gubyerno sa mga bansang nangangailangan ng murang lakas paggawa ay nagiging “normal” na kalakaran.
Namamanhid na ba talaga at tanggap nang may di mabilang na kababayang malagay sa peligro ang buhay, tulad na lang ng nagaganap ngayon sa Kuwait ? Sa lumalalang relasyon ng dalawang bansa ay apektado ang mahigit 200 libong kababayan. Kailangan bang ulit ulitin ang kapalaran at karanasang sinapit ng kababayang tulad nina Joanna Demafelis, Dondon Lanuza, Flor Contemplacion, Mary Jane Veloso, at ng iba pa? Hanggang kailan tayo papayag sa kaayusang tayo’y mistulang produktong pinagkakakitaan ng gobyerno at ang katiting na serbisyong ating natatanggap-kung mayroon man-ay mga pamatid-uhaw lamang sa katarungang panlipunang matagal na nating inaasam?
Ang mga ahensyang POEA, DOLE, OWWA, Overseas Filipino Bank katulong ang iba pang mga ahensya tulad ng DFA, DT, at DBM ang mga haligi ng pagpiga ng tubo mula sa “produkto” ng migrasyong Pilipino. Ito ang “normal” na kaayusang pilit ipinatatanggap sa atin ng kasalukuyan at mga nagdaang gobyerno.
Ang POEA ang nagsisilbing “ligal” na recruiter , ang DFA at DT ang mga taga lako ng murang lakas paggawa, ang DBM ang arkitekto at tagaplano at ang OFBank ang taga likom ng kita. Ang OWWA ang tagabuhos naman ng malamig na tubig at tagapagbigay ng pag-asang may kapalit na serbisyo ang mga binayad at sakripisyong ginagawa ng ating mga kababayan. Lahat ng ahensyang ito’y nagsisistematisa sa paghuthot ng ganansya mula sa migrasyon.
Hindi sinsero ang gobyerno ni Duterte na bigyan ng pangmatagalang solusyon ang problema ng migrasyon sa Pilipinas. Tinalikuran na niya ang pangakong pambansang industriyalisasyon, at nagsasariling patakarang panlabas. Binalahura ang usapang pangkapayapaan at binabalewala ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reform (CASER) na naglalaman ng mga kongkretong hakbangin at repormang papabor sa naghihikahos na mamamayan.
Ang atake sa paggawa at sa mga tagumpay na nakamit nito ay pandaigdigan sapagkat hindi nalilimitahan ang pag-ikot ng kapital sa iisang bansa lamang. Maging ang mga kapatid nating manggagawang Italyano ay hindi ligtas sa atakeng ito. Ang pleksibilisasyon sa paggawa na pangunahing nilalaman ng batas na Job’s Act , delokalisasyon ng mga pabrika, at malaganap na kontrol ng mga “kooperatiba” ay ilan lamang sa mga kongkretong pagbawi sa mga karapatan ng manggagawang Italyano .
Isang malaking dagok ito sa mga manggagawa kung saan nakasaad mismo sa konstitusyon na, ang Italya ay isang demokratikong republika na itinatag sa paggawa.
Ang soberanya nito ay nagmumula sa mamamayan na nagpapatupad nito sa lahat ng anyo nang naaayon sa konstitusyon (artikulo 1). Masahol pa, pinag-aaway ang mga lokal at mga dayuhang manggagawa sa pagpapatingkad ng razzismo.
Higit kailanman ay kailangan ang mahigpit na pagkakaisa nating mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat sa pagtatanggol sa ating mga karapatan. Kasabay nito’y kailangan nating mapahigpit ang pakikipagkaisa sa kapwa nating manggagawang Italyano at iba pang lahi. Ipagtanggol natin ang nakamit nang mga karapatan sa paggawa Tutulan ang mga anti-manggagawang batas at patakaran ng gubyerno sa Pilipinas at Italya.
Isulong ang ating karapatan sa sahod, benepisyo at makataong kundisyon sa paggawa.
Bilang migranteng Pilipino sa ibayong dagat tungkulin nating suportahan ang pakikibaka ng mga kababayan sa loob ng ating bansa sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan at kagalingan . Tungkulin din nating iugnay ito sa internasyunal na pakikibaka ng uring manggagawa sa buong daigdig. Sa ganitong paraan lamang natin malalabanan ang pag-atake sa paggawa at pagbawi sa mga nakamit na tagumpay nito.
Mabuhay ang Uring Manggagawa sa Buong Daigdig !!! Mabuhay ang Migranteng Pilipino !!!
ITAGUYOD ANG PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON !
IPATUPAD ANG TUNAY NA REPORMANG AGRARYO !
PAWIIN ANG KONTRAKTWALISASYON ! IBASURA ANG ‘ENDO’ !
WAKASAN ANG LABOR EXPORT POLICY ! IPATUPAD ANG MIGRANTS’ AGENDA !
IPAGPATULOY ANG USAPANG PANGKAPAYAPAAN ! APRUBAHAN ANG CASER !
Umangat-Migrante ROME; Migrante – MILAN; Kapit-Bisig Migrante MILAN; Migrante BOLOGNA; Migrante MANTOVA (KP) ; Migrante CASERTA (KP); Migrante COMO (KP); Migrante Firenze
References:
Leave a Reply