Isang daan at labing siyam na taon mula nang ideklara sa Kawit, Cavite ang kasarinlan ng Pilipinas. Kalayaan na kung saan magpahanggang sa ngayon ay nanatiling salitang salat sa tunay na kahulugan. Nakawala ang ating mga kamay sa pagkakagapos sa pamamahala ng dayong Kastila subalit itinali naman ang ating mga leeg sa kontrol ng mananakop na mga Amerikano. Ibinenta ng isang mananakop ang ating pagkaalipin sa isa pang mananakop sa pakikipagtulungan ng mga elitistang nagkunwaring mga may malasakit sa kapakanan ng taong bayan. Pinatay, pinarusahan, kinulong at itinuring na mga rebelde ang mga tunay na rebolusyonaryong Pilipinong lumalaban. Binaluktot ang mga aral at kwento ng kasaysayan at itinuturing na mga bayani ang mga takwil na elitistang masugid na naglingkod sa dayuhang pamumuno.
Independensya, kasarinlan at kalayaan, mga salitang makalipas ang isang daan at labing siyam na taon ay nananatiling mga salitang may kanya kanyang kahulugan sa bawat administrasyon ng gobyernong naluklok sa kapangyarihan. Ang kahulugan ng kalayaan sa malawak na mamamayang naghihirap ay kaiba sa kahulugan ng maliit na minoryang nakakadama ng kaginhawaan. Ang kalayaan para sa mga naghahari sa lipunan ay kaiba sa kalayaan ng mga pinaghaharian. Ang pagbibigay kahulugan sa salitang ito ang isa sa pinag-uugatan ng kahirapan ng malawak na sektor ng lipunang Pilipino kabilang tayong mga migrante sa labas ng bansa.
Mismong si pangulong Duterte sa panahon ng kanyang kampanya ay kumilala sa pangangailangang makawala tayo sa dikta at kontrol ng Amerika. Ibinabandila ang kanyang Independent Foreign Policy ngunit magpahanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang pakikialam sa atin ng Amerika sa pamamagitan ng mga mapagkunwaring mga kasunduan at tratado tulad ng Mutual Defence Treaty, Visiting Forces Agreement, at Enhanced Defence Cooperation Agreement. Sinusuhayan ito ng mga ayuda at utang pinansyal sa ating bansa na pangunahing pinakikinabangan ng mga burukrata kapitalistang mga namumuno sa gobyerno.
Patuloy na hinahadlangan ang implementasyon ng mga makabayang programa tulad ng pamamahagi ng lupa. Sinasagkaan at kinukutya ang mga progresista at makabayang lider na siyang mga karapat-dapat na namumuno sa gobyerno tulad nina Gina Lopez, Sec. Judy Taguiwalo, at Sec. Rafael Mariano. Nilalait ang mga organisasyong masang nagsusulong ng kanilang mga lehitimong kahilingan sa batayang karapatan ng libreng pabahay, edukasyon at sahod. Maging tayong mga migrante ay pinaiikot sa pamamagitan ng planong doblehin ang singil sa ating pasaporte kapalit nang pagtugon nila sa matagal na nating kahilingang gawing 10 taon ang bisa nito.
Patuloy na namamayagpag ang dominasyon ng Imperyalismong Amerika sa pamamagitan ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya ng bansa. Dahilan kung bakit patuloy na nakapako ang sweldo at nananatiling kontraktwal ang ating mga kapatid na manggagawa sa Pilipinas kung saan dumarami ang nagsisilikas sa ibang bansa upang maghanap ng magandang kinabukasan para sa kanya kanyang pamilya. Neoliberalismo ang nagtatali sa dapat sanay maayos na distribusyon ng budyet ng bansa kung bakit kulang ang pensyon ng ating mga magulang upang makabili ng gamot o ang mataas na gastos sa pagpapaospital.
Tagos hanggang pulitika ang dominasyong ito. Ang usapang pangkapayapaan na dapat sana’y magluluwal ng paglutas ng mga batayang suliranin ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms ay patuloy na sinasabotahe. Lumilikha ng mga kaganapan upang yanigin ang kaayusan ng ating bansa, tulad ng paglikha ng mga kaguluhan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng terorismo. Dalubhasa ang Imperyalismong Amerika sa larangang ito kung saan ginamit sa napakaraming bansa na tumutol sa kanyang dominasyon.
Hangga’t ang salitang KALAYAAN ay hindi buo at ganap ang kahulugan, ang salitang ito ay patuloy na aalingawngaw sa kawalan tulad ng naunang sigaw ng ating magigiting na rebolusyonaryong ninuno na nagbuwis ng buhay mula nuong naunang ika-isang daan labing siyam na taon at higit pa.
KAMTIN NATIN ANG TUNAY NA KALAYAAN ! IPAGLABAN ANG ATING MGA KARAPATAN !
IGIIT ANG NAGSASARILING PATAKARANG PANLABAS ! WAKASAN ANG DIKTA NG DAYUHAN !
Para po sa may mga katanungan o nagnanais na makipagtalakayan, kayo po ay aming inaanyayahan na dumalo sa ika – 18 ng Hunyo 2017 sa Parco Conca de oro sa ganap na ika – 2 ng hapon.
Ugaliing Makinig sa UGNAYAN sa HIMPAPAWID – tune in sa www.radiocittaperta.it tuwing Lingo 11:00am – 12noon
Umangat-Migrante Rome/Migrante-Milan /Milan-OFW Kapit-Bisig/Migrante-Firenze /Migrante-Bologna/Migrante-
Leave a Reply