PAHAYAG NG PANININDIGAN
Kaming bumubuo ng Migrante International-Europe ay naninindigan para sa aming mga demokratikong karapatan at kagalingan at para sa tunay na kalayaan at demokrasya ng sambayanang Pilipino. Matinding pagsasamantala at kaapihan ang aming nararanasan sa pagtungo sa ibayong dagat upang maghanapbuhay. Kami ay puwersahang lumisan at iniwan ang aming pamilya dahil sa malalang kahirapan, pagsasamantala at panunupil na dulot ng panlipunang sistemang naglilingkod sa interes ng dayuhan at iilan.
Sa pamamagitan ng labour export policy, ikinakalakal kami ng pamahalaang Pilipinas sa ibang bayan upang makalikom ng dambuhalang pondo para sa pambayad utang panlabas at depisit sa kalakalan; para mapigilan ang paghihimagsik ng mamamayan dahil sa kahirapan at kawalan ng hanapbuhay; at para matugunan ang pangangailangan sa mura at maamong lakas-paggawa ng kapitalistang sistema sa daigdig.
Kami ay naninindigan na ang tanging solusyon sa malawakan at sapilitang migrasyon ay nasa pagbibigay wakas sa mga pundamental na suliranin ng lipunang Pilipino.
Ang sektor ng migrante ay bahagi ng sambayanang Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan ng mga naghaharing-uri sa ating bansa. Kaya kami ay nakikibaka laban sa lahat ng porma ng pang-aapi, pagsasamantala at panunupil. Binubuklod namin ang aming hanay sa isang makabayang alyansa, ang Migrante International-Europe, para maipaglaban at maipagtanggol ang aming demokratikong karapatan at kagalingan, at lumahok sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Nakikiisa kami sa pakikibaka ng mga migrante ng iba’t-ibang nasyunalidad na nagsusulong ng kanilang karapatan at kagalingan, gayundin sa mga pakikibaka ng mga mamamayan at mga nasyon laban sa imperyalismo na sumisikil sa tunay nilang kasarinlan, kalayaan at demokrasya.
ARTIKULO 1
PANGALAN AT TANGGAPAN
Seksyon 1. Ang alyansang ito ay tatawaging Migrante International-Europe o Migrante Europe). Ito ang magiging opisyal nga rehiyunal na alyansa o pormasyon sa kontinente ng Yuropa.
Seksyon 2. Ang Punong Tanggapan ng Migrante Europe ay sa ___________.
Seksyon 3. Ang opisyal na sagisag ng Migrante Europe ay isang globo na may larawan ng mga migranteng nagpapakita ng paglaban. Ang mga migrante ay binibigkis ng pulang tela bilang simbolo ng sama-sama at militanteng pagkilos. Sa ilalim ng larawan ang salitang “MIGRANTE INTERNATIONAL EUROPE” na nakasulat sa bughaw at pula.
ARTIKULO 2
DEPINISYON NG MGA TERMINO
1. Sektor ng migrante: Binubuo ng overseas Filipinos (OFWs, immigrants, political refugees, naturalized citizens), returned OFWs, at kanilang mga pamilya.
2. Alyansa: Binubuo ito pangunahin ng mga organisasyon, pederasyon, samahan. Kasama rin dito ang mga indibidwal na nagbubuklod para sa layunin ng Migrante Europe.
3. Sapilitang migrasyon: Ang malawakang pagluwas sa ibang bansa tulak ng mga kadahilanang pangkabuhayan at/o pulitikal.
4. LEP – Labor Export Policy
5. Migrante Europe o ME – Migrante International-Europe
6. Pang-rehiyong Konseho – RC o Regional Council
7. Komiteng Tagapagpaganap – KT o Executive Committee (EC)
ARTIKULO 3
MGA LAYUNIN
Ang Migrante Europe ay itinatag para isulong ang karapatan at kagalingan ng sektor ng migrante at kasabay na lumalahok sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Sa partikular, ang layunin ng ME ay:
Seksyon 1. Pukawin, organisahin at mobilisahin ang sektor ng migrante para ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan at lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas.
Seksyon 2. Makipagkaisa sa iba pang sektor/organisasyon/indibidwal sa rehiyon ng Yuropa (Europe) na naghahangad ng at nakikibaka para sa pambansa demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino.
Seksyon 3. Pahigpitin at palakasin ang pakikipagkaisa sa mga mamamayan ng iba’t-ibang lahi, lalo na sa mga organisasyon ng mga migrante at manggagawa, na nakikibaka din laban sa pang-aapi at pagsasamantala.
ARTIKULO 4
KATANGIAN
Seksyon 1. Ang ME ay isang pang-rehiyong alyansa na progresibo at patriyotiko. Ito ay binubuo ng iba’t ibang organisasyon, at pederasyon ng mga migranteng Pilipino sa Yuropa. Sa loob nito ay may mga organisasyon at pormasyong bitbit din ang pangalan ng Migrante.
Seksyon 2. Ang ME ay pinapatnubayan ng sumusunod na pang-organisasyong prinsipyo:
a. Kalayaan at inisyatiba ng bawat kasaping organisasyon;
b. Mutwal (mutual) na suporta at proteksyon;
c. Mutwal na pakinabang at kooperasyon; at
d. Pagpapasya sa pamamagitan ng consensus bilang pinakamataas na antas ng kaisahan sa pagpapasya. Sa kalagayan o pagkakataong hindi ito maabot, ang desisyon ng mayorya (50 percent + one) ang siyang masusunod o iiral. Igagalang ng minorya ang desisyon ng mayorya at di nito maaring ipawalang-bisa (veto) ang desisyong napagkaisahan ng mayorya.
Seksyon 3. Ang ME ay tumatayo bilang sentro ng militanteng kilusan ng sektor ng migrante na pangunahing sumasandig sa lakas at pagkakaisa ng batayang masa at nagtataguyod at nangangalaga sa mga karapatan at kagalingan ng sektor tungo sa tunay na kalayaan at demokrasya.
ARTIKULO 5
KASAPIAN
Seksyon 1. Ang anumang organisasyon o pormasyon, land-based o sea-based na sakop ng teritoryo ng kontinente ng Yuropa, o sa ilang mga kaso ay prominenteng indibidwal mula sa sektor ng migrante na sumasang-ayon sa Saligang Batas at Programa ng
ME ay maaring sumapi.
Seksyon 2. Maaaring maging kasapi ang mga natatanging indibidwal na naninindigan sa at nagtataguyod ng mga batayang prinsipyo, saligang batas at handang kumilos alinsunod sa programa ng ME. Sila ay kikilalanin bilang mga associate member na may tungkulin at karapatan tulad ng kasaping organisasyon ng ME maliban sa karapatang bumoto at mahalal. Sinumang kasaping organisasyon o ang KT ang maaaring magrekomenda sa kanila bilang indibidwal na kasapi. Ang kanilang pagiging kasapi ay sasangayunan
ng RC.
Seksyon 3. Para sumapi, ang pormasyon o indibidwal ay kailangang magsumite ng aplikasyon sa ME sa pamamagitan ng alinmang kasaping organisasyon nito o sa sinumang kasapi ng RC. Ang sinumang nagsumite ng aplikasyon ay kinakailangang may rekomendasyon mula sa dalawang (2) kasaping organisasyon na may mabuting katayuan.
Seksyon 4. Ang pinal na desisyon hinggil sa pagsapi sa ME ay igagawad ng RC matapos na makumpleto ang lahat ng proseso sa pagsapi at pagtitibayin ito ng Kongreso.
ARTIKULO 6
MGA KARAPATAN AT TUNGKULIN NG MGA KASAPI
Seksyon 1. Ang bawat kasaping organisasyon ay may sumusunod na karapatan:
a. Dumalo sa Kongreso at iba pang ispesyal na pulong ng ME;
b. Maghalal at mahalal ang kinatawan ng organisasyon;
c. Lumahok sa pagsagawa ng desisyon at plano ng ME;
d. Maghapag ng katanungan, puna o mungkahi sa anumang kapulungan ng ME;
e. Maghapag ng opisyal na reklamo at mag-apila;
f. Humingi ng tulong sa ME o sa kasaping organisasyon nito hinggil sa mga isyu, problema, at/o gawaing kinakaharap ng organisasyon;
g. Magsumite ng reklamo laban sa isang kasaping organisasyon.
h. Tumiwalag sa ME.
Seksyon 2. Ang bawat kasaping organisasyon ay may sumusunod na tungkulin:
a. Tupdin, itaguyod at palaganapin ang mga batayang prinsipyo, programa at plano ng ME.
b. Magrekluta at magrekomenda ng iba pang organisasyon.
c. Magpalitaw ng pinansyal at materyal na suporta para sa ME.
Seksyon 3. Tungkulin ng bawat kasaping organisasyon ang magbayad ng membership fee at butaw.
a. Ang membership fee para sa bagong miyembro ay US$100.00
b. Ang taunang butaw ay US$50
c. Para sa chapters na may katangian na alyansa, ang taunang butaw ay 30% ng kabuuang makokolekta mula sa butaw ng mga kasaping organisasyon ng chapter.
Seksyon 4. Ang mga indibidwal na kasapi ay may parehong tungkulin at karapatan maliban sa bumoto at mahalal. Sila ay magbabayad ng US$50 bilang membership fee at taunang butaw na US$25. Para sa mga indibidwal na kasapi sa loob ng bansa, ang membership fee ay P500 at ang taunang butaw ay P500 din.
ARTIKULO 7
REHIYONAL NA KONGRESO
Seksyon 1. Komposisyon
Ang Kongreso ang pinakamataas na organo ng ME. Ito ay binubuo ng mga kasaping organisasyon, pederasyon at indibidwal. Ang pulong nito ay gaganapin tuwing ikatatlong taon.
Ang mayorya ng kasapian ng ME o Regional Council ay maaaring magpatawag ng espesyal na sesyon ng Kongreso kung kinakailangan.
Seksyon 2. Ang tungkulin ng Kongreso ay ang mga sumusunod:
a. Pagtibayin, susugan o baguhin ang Saligang Batas ng ME;
b. Maglatag ng pangkalahatang direksyon, programa at patakaran ng ME para sa tatlong (3) taon at magrepaso ng mga ito;
c. Tanggapin, pagtibayin, susugan o ganap na baguhin ang ulat ng RC at KT;
d. Ihalal ang mga opisyales ng ME alinsunod sa Saligang Batas at Alituntunin ng ME;
e. Pagtibayin ang mga kinatawan ng rehiyon sa bawat pandaigdigang rehiyon ng Migrante International Global Council alinsunod sa Saligang Batas at Alituntunin ng ME;
f. Pagtibayin ang pagtanggap ng mga bagong kasaping organisasyon, pederasyon at indibidwal.
Seksyon 3. Pulong
Ang Rehiyunal na Kongreso ay regular na magtitipon minsan sa tatlong taon. Maaring tumawag ang RC ng espesyal na pulong ng Kongreso kung kinakailangan o batay sa petisyon ng mayorya ng kasaping organisasyon ng ME.
Seksyon 4. Anunsiyo
Ang patalastas sa pagdaraos ng Kongreso ng buong ME ay dapat makarating sa bawat kasapi nang hindi kukulangin sa isang buwan bago ang mungkahing petsa ng pagdaraos.
Dapat lamanin ng patalastas ang adyenda ng Rehiyunal na Kongreso at ang tiyak na bilang ng delegadong dadalo mula sa mga kasaping organisasyon, pederasyon at indibidwal.
ARTIKULO 8
REHIYUNAL NA KONSEHO (REGIONAL COUNCIL)
Seksyon 1. Ang RC ang tatayong pinakamataas na organo ng ME sa pagitan ng Kongreso.
Seksyon 2. Komposisyon
Ang RC ay binubuo ng mga sumusunod:
a. KT,
b. Isang kinatawan sa bawat kasaping organisasyon ng ME
Seksyon 3. Proseso ng Paghalal
Ang mga kagawad ng RC ay ihahalal alinsunod sa sumusunod na paraan:
a. Ihahalal ng lahat ng bumobotong delegado sa Kongreso ang Tagapangulo, Ikalawang Tagapangulo, Pangkalahatang Kalihim, at Ingat-Yaman.
b. Ihahalal ng mga kasaping organisasyon na dumalo sa Kongreso ang kanilang kinatawan para sa RC.
Seksyon 4. Tungkulin
Ang mga tungkulin ng RC ay ang mga sumusunod:
a. Ipatupad ang pangkalahatang programa ng pagkilos at patakaran na pinagtibay ng Kongreso;
b. Gumawa ng taunang programa batay sa pangkalahatang programa ng MI sa pagitan ng pulong ng Kongreso;
c. Aprubahan ang taunang ulat ng KT;
d. Magpatawag ng espesyal na sesyon ng Kongreso kung kinakailangan; at
e. Tumanggap ng aplikasyon ng pagsapi ng mga bagong organisasyon, pederasyon at indibidwal.
f. Tupdin ang anumang atas ng Kongreso.
Seksyon 4. Ang Regional Council ay magpupulong bawat taon. Maaaring magpatawag ng espesyal na pulong ng RC ang Komiteng Tagapagpaganap kung kinakailangan.
Seksyon 5. Termino ng panunungkulan at mga bakante:
a. Ang lahat ng kagawad ng RC ay manunungkulan hanggang sa susunod na eleksyon. Kung may bakante, ang lahat ng kagawad ng RC na kinatawan ng mga rehiyon ang pipili sa hanay nila nang pupuno sa pusisyon.
b. Kung may bakante sa KT, ito ay pupunuan ng RC mula sa kanilang hanay.
ARTIKULO 9
KOMITENG TAGAPAGPAGANAP
Seksyon 1. Ang KT ang tumatayong pamunuan ng ME sa pagitan ng pulong ng RC at Kongreso.
Seksyon 2. Komposisyon
Ang KT na inihahalal ng Kongreso ay binubuo ng Tagapangulo, Pangalawang Tagapangulo, Pangkalahatang Kalihim, at Ingat-Yaman.
Seksyon 3. Tungkulin at Kapangyarihan.
Ang mga tungkulin at kapangyarihan nito ay sumusunod:
a. Pangasiwaan ang pang-araw-araw na gawain ng ME;
b. Magbuo ng Kalihiman at ng mga komite nito, batay sa pangangailangan ng ME;
c. Ipatupad ang pangkalahatang program ng ME;
d. Makipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon ng migrante at ng kanilang pamilya sa loob at labas ng rehiyon;
e. Tanggapin ang aplikasyon ng bagong kasapi; at
f. Makipag-ugnayan at makipagkaisa sa mga progresibo at makabayang organisasyon ng iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino sa pagsusulong ng karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino at ng sambayanan;
g. Makipag-ugnayan at makipagkaisa sa mga mamamayan ng bawat bansa sa rehiyon ng Yuropa batay sa prinsipyo ng internasyunalismo at naaayon sa programa’t patakaran ng ME.
h. Aprubahan ang badyet para sa pagsasakatuparan ng mga programa nito.
i. Magbalangkas ng partikular na pusisyon sa mga isyu nang hindi sumasalungat sa mga prinsipyo, tuntunin at pangkalahatang programa ng ME.
Seksyon 4. Pulong
Ang regular na pulong ng KT ay idaraos minsan bawat tatlong (3) buwan, sa petsa at lugar na itatakda matapos ang bawat pulong.
Maaring magpatawag ng espesyal na pulong batay sa pangangailangan.
Seksyon 5. Tungkulin ng Tagapangulo.
Ang mga tungkulin ng Tagapangulo ay ang mga sumusunod:
a. Pangunahing kumatawan sa ME sa mga ugnayang panlabas o gawaing pampubliko.
b. Mamuno sa mga pulong ng Kongreso, RC at KT. Magiging kinatawan ng rehiyon sa Global Council ng Migrante International.
c. Maging pangunahing tagapagsalita ng ME.
d. Kasama ang Pangkalahatang Kalihim, ang pangunahing pipirma sa mga ligal na dokumento at upisyal na transaksyon ng ME.
e. Tumupad sa iba pang tungkulin o gawaing iniatas ng RC o ng KT.
Seksyon 6. Tungkulin ng Pangalawang Tagapangulo.
Ang mga tungkulin ng Pangalawang Tagapangulo ay ang mga sumusunod:
a. Gumampan ng mga tungkulin ng Tagapangulo sa panahong hindi kayang gumampan ng Tagapangulo o mabakante ang pusisyon ng Tagapangulo sa anumang kadahilanan at hanggat hindi pa napipili ng RC ang papalit;
b. Panatilihin at paunlarin ang pagkakaisa at pakikipag-ugnayan sa mga kasaping sektoral at pangrehiyong organisasyon.
c. Tumupad sa iba pang tungkulin o gawaing iniatas ng RC o ng KT.
Seksyon 7. Tungkulin ng Pangkalahatang Kalihim.
Ang tungkulin ng pangkalahatang kalihim ay ang mga sumusunod:
a. Pamunuan ang Kalihiman;
b. Tumindig na kinatawan ng ME;
c. Gumawa ng ulat at rekomendasyon kaugnay sa mga gawain ng Kalihiman na bubuuin ng KT;
d. Kasama ang Taga-Pangulo, pipirma sa mga ligal na dokumento at upisyal na transaksyon ng ME.
e. Tumupad sa iba pang tungkuling iniatas ng RC at ng KT.
Seksyon 8. Tungkulin ng Ingat-Yaman.
Ang mga tungkulin ng ingat yaman ay ang mga sumusunod:
a. Mangasiwa at mangalaga sa lahat ng pondo ng ME at sa paggamit nito ayon sa badyet na pinagtibay ng KT.
b. Ipatupad ang mga alituntunin at patakaran kaugnay sa pinansya.
c. Regular na mag-ulat sa KT at Kongreso tungkol sa katayuang pampinansya ng ME at sa lahat ng transaksyong pampinansya.
d. Tumupad sa iba pang tungkuling iniatas ng RC at ng KT.
ARTIKULO 10
PAGPAPATALSIK
Seksyon 1. Ang mga kasaping organisasyon ay may mga karapatang magharap ng “motion for impeachment” sa sinumang mahalal na opisyal ng ME sa makatwirang dahilan.
Maaaring itiwalag ang halal na opisyal batay sa alinmang mga sumusunod na kadahilanan:
a. Tuwirang paglabag sa Saligang Batas at programa ng ME.
b. Misrepresentasyon;
c. Pangungurakot;
d. Pang-aabuso sa pusisyon; at
e. Pagkasangkot sa kriminal na gawain.
Seksyon 2. Ang proseso ng pagpapatalsik ay ang sumusunod:
a. Pagsampa ng nakasulat na pormal na reklamo;
b. Ang RC ay magbubuo ng Komiteng Tagapagsiyasat para imbestigahan at magrekomenda ng aksyong pagpapatalsik sa RC;
c. Ang RC ang magpapataw ng pagpapatalsik batay sa mayoryang desisyon nito.
d. Ang opisyal na pinatawan ng pagpapatalsik ay maaaring umapila sa Kongreso. Habang nakaapila sa Kongreso, ang pag-alis sa katungkulan ay dapat ipinatutupad.
ARTIKULO 11
KORUM
Seksyon 1. Ang korum sa Kongreso ay bubuuin ng simpleng mayorya ng kabuuang kasapian ng ME.
Seksyon 2. Kung walang korum, idedeklara ng mga dumalong kasapi na ang pagtitipon ay isang ispesyal na pulong na lamang.
Seksyon 3. Ang korum sa pulong ng RC ay simpleng mayorya ng mga kagawad nito.
Seksyon 4. Proxy Votes:
a. Kikilalanin ang proxy votes ng sinumang kasaping organisasyon kung may nakasulat na
awtorisasyon ng kasaping organisasyon sa sinumang inatasan nitong dalhin ang kanilang boto.
b. Ang bibigyan lamang ng proxy votes ay sinumang organisasyon nasa mabuting katayuan o sinumang nasa RC.
c. Kailangang maaprubahan muna ang aplikasyon para sa proxy votes ng KT at/o ng RC.
d. Dapat naipadala at naaproba ang proxy votes bago ang eleksyon.
ARTIKULO 12
PAGTIWALAG AT DISIPLINANG PANG-ORGANISASYON
Ang aksyong pandisiplina ay igagawad sa kasaping organisasyon o indibidwal na lumabag sa Saligang Batas ng ME.
Seksyon 1. Alinmang kasaping organisasyon o indibidwal ay maaaring magbitiw sa ME. Kailangang magpaabot ng pormal na sulat sa KT o sa RC ng intensyon ng pagbibitiw.
Seksyon 2. Ang sinumang kasaping organisasyon o indibidwal na lumabag sa Saligang Batas ng ME ay papatawan ng aksyong pandisiplina.
Seksyon 3. Ang mga aksyong pandisiplina ay batay sa bigat ng paglabag. Ito ay ayon sa sumusunod na porma: babala, mahigpit na babala, suspensyon, at pagtiwalag sa ME.
Ang mga batayan sa aksyong pandisiplina ay ang mga sumusunod:
a. Misrepresentasyon ng ME;
b. Paksyunalismo.
c. Tuwirang paglabag sa Saligang Batas at programa ng ME.
d. Pangungurakot; at
e. Pagkasangkot sa kriminal na gawain.
Seksyon 4. Ang proseso ng pagpataw ng disiplina ay ang sumusunod:
a. Pagtanggap ng pormal na reklamo;
b. Ang KT ay magbuuo ng Komiteng Tagapagsiyasat para imbestigahan at magrekomenda ng aksyong pandisiplina, kung mayroon man, sa RC;
c. Ang RC ang magpapataw ng aksyong pandisiplina batay sa mayoryang desisyon nito.
d. Ang kasaping organisasyon na pinatawan ng aksyong pandisiplina ay maaaring umapila sa Kongreso. Habang nakaapila sa Kongreso, ang aksyong pandisiplina ay dapat ipinatutupad.
ARTIKULO 13
AMYENDA
Seksyon 1. Maaaring magharap ng amyenda sa Saligang Batas ng Migrante ang alinmang kasaping organisasyon, pederasyon at indibidwal na kasapi. Ito ay dapat ipaabot sa KT nang hindi bababa sa dalawang buwan bago mag-Kongreso.
Seksyon 2. Ang amyenda sa Saligang Batas ay pagtitibayin sa Kongreso ng dalawang katlo (2/3) ng buong kasapian.
ARTIKULO 14
BISA
Seksyon 1. Ang Saligang Batas ay kagyat na magkakabisa matapos pagtibayin ng lahat ng delegado ng Kongreso.