Labis labis na ang pahirap. Kasuklam suklam na ang paraan ng pagharap ng administrasyong Duterte sa kasalukuyang krisis ng pandemiya sa Pilipinas. Mahigit dalawang buwan na ang nakalilipas pero wala paring maramdamang anino ng tunay na pagkalinga ang pamahalaang ito sa gipit na kalagayan ng maraming mamamayan, kabilang na ang mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat. Patung-patong na ang kasalanan nito sa pang-araw araw na pananatili pa nito sa pwesto. Ang nakuhang emergency powers ni Duterte sa kalagitnaan ng krisis ng Covid-19 ay ginagamit para lamang magkamal ng militaristang kapangyarihang manupil at hindi upang gamitin sa pagharap at pagsugpo sa sakit.
Kulang na nga at mabagal ang ayuda, nagawa pa ng gobyerno nito na unahin ang pagbabawas ng buwis ng mga malalaking korporasyon sa pamamagitan ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na isa sana sa maaaring panggalingan ng 667 bilyon pisong karagdagang pondo para mailaan sa pagharap sa krisis ng covid. May paluwag siyang binibigay sa mga kakamping oligarkiya habang ang mga “bagong bayaning” ofws ay gigipitin sa pagpiga ng sapilitang bayarin at pagpapasapi sa Philhealth insurance. Samantala, kung hindi pa nangalampag at nag-ingay ang libu-libong istranded na umuwing mga ofw, hindi pa sila makakalaya mula sa mahigit isang buwang pagkakulong sa mga quarantine facilities ng gobyerno.
Ubos na raw ang budget, at kailangan muling mangutang o di kaya’y ipagbili ang ilang asset ng gobyerno, pero hindi malinaw na maipaliwanag kung saan napunta ang 275 bilyong pisong inaprubahan ng kongreso, 500 milyong dolyar na utang sa World Bank at 200 milyong dolyar na utang naman sa Asian Development Bank. Nagawa pa nga nitong unahin ang planong pagbili ng mga armas sa U.S. na nagkakahalaga ng mahigit 75 bilyong piso, liban pa sa nauna nang ginastos nito na 2.4 bilyong pisong halaga ng mga armas mula sa Israel.
Sintunado ang tugtog ng mga ahensya ng gobyerno ni Duterte sa pagsasalarawan ng tunay na kalagayan ng pandemiya sa bansa. Habang si presidential spokeperson Harry Roque ay nagsabing naabot na ang target na 30,000 per day na test sa covid, iba naman ang aktwal na bilang at pahayag ng DOH. Sinasalungat din niya ang subok na at naisapraktikang mass testing sa iba’t ibang panig ng mundo, na nasa protocol ng World Health Organization (WHO). Pilit na binabaluktot ito sa pagbanggit ng mga terminolohiyang “expanded and targeted” testing. Liban pa rito’y tuluyan ng ipinasa ang obligasyong ito sa pribadong sektor. Sa kasalukuyan 289,732 pa lang ang na test sa Pilipinas. Ibig sabihin nito’y 2.64 lang sa bawat isang libong tao ang na test . Malayung-malayo ito sa direktiba ng WHO sa panawagang malawakang testing ang kailangan sa pagsugpo sa Covid-19.
Walang nagingibabaw sa batas, liban lamang sa humahawak at nagpapatupad nito! Kaya itong paikutin ng mga nasa posisyon at kapangyarihan. Libu-libo ang hinuli at inaresto sa paglabag sa quarantine, at may kung ilan na rin ang namatay at pinatay. Samantala, ang mga nagunguna sa mga paglabag nito ay mga tauhan ng administrasyon ni Duterte. Masaklap pa, mismong sa bibig ni Duterte lumabas ang pag-aabswelto, tulad na lamang ng kaso ni Gen. Debold Sinas ng PNP.
Mahaba pa ang talaan ng mga kapabayaan ng rehimeng Duterte sa mamamayan at mga manggagawa sa ibayong dagat. Araw araw pa itong nadadagdagan at patuloy na pinatitindi. Ang pinakahuli’y ang pagratsada ng kongreso at senado ng Anti-terrorism bill 2020 na ang pinakalayunin bukod sa pagsupil sa mga katunggali sa pulitika at kritiko ay ganap na maisakatuparan ang militaristang pamamahala katambal ng naunang emergency powers na kanyang nakuha. Hindi man nito nakamit ang pagpapalawig ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Pederalismo , ngayon ay madali na itong makukuha sa tambalan ng dalawang nabanggit. Nahubaran na ng tuluyan kung anong anyo mayruon ang kanyang gobyerno.
Ang mamamayan kasama ng mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa ay hindi na makapaghihintay pa ng eleksyon. Sapat sapat na ang mga krimen ng rehimeng ito upang ang taumbayan mismo ang magpatalsik sa kanya sa puwesto. Hindi habang buhay ang paghawak sa kapangyarihan. Hindi habang panahon ang kapabayaan at kasinungalingan. Hindi habang panahon ang pagkikibit balikat at pananahimik. Ngayon ay panahon ng paglaban. Pasismo ng Estado Biguin ! Duterte Patalsikin!
Serbisyong Medikal Hindi Batas Militar! / Free Mass Testing Now! / Universal FREE health coverage now!
PUBLIC not private health insurance! / PUBLIC health not private profit! / Health care is a HUMAN RIGHT! / NO to mandatory PhilHealth payments! / NO to mandatory PhilHealth membership!
Migrante Europe