HINDI PA TAPOS ang laban ng mamamayang Pilipino laban sa pasismo at terorismo ng estado na inihahasik ni Rodrigo Duterte kasapakat ang pulisya, militar at mga alyadong pulitiko na bumubuo sa super majority sa Kongreso. Nagdiriwang ang iilang makikinabang sa RA11749 o “Terror Law” habang nagpupuyos sa matindi galit ang malawak na hanay ng mamamayan.
Sinalubong ng mga protesta sa online at sa mga lansangan sa buong Pilipinas at ibayong dagat ang pagpirma ng pangulo sa nasabing batas.
Sadlak na sa paghihirap ang mamamayan ngunit mas inuna pa ng gobyerno ang “Terror Law” kaysa pakinggan ang mga panawagan para sa mga solusyong medikal at mga serbisyong pangkalusugan at pangkabuhayan na higit na mas mahalaga kaysa sa pagpapatahimik sa mga kritiko. Nahihibang at desperado na ang mga heneral sa gabinete na sya ring bumubuo sa IATF at NTF-ELCAC na patahimikin at busalan ang umuugong na mga kritisismo at protesta sa mga kapalpalakan sa pagsugpo sa COVID19.
Sa hanay naman ng mga migrante ay nagpapatuloy ang nakakalunos at hindi makataong pagtrato sa kanila ng DOLE at iba pang mga ahensya, dulot ito ng palpak at walang sistemang mga programang lubusang humahagupit sa mga OFW. Sa ganitong klaseng mga polisiya kalakip ang ligalig at kawalang kasiguruhan ay iniluluwal ang paglaban, walang pagpipilian ang mga bagong bayani kundi ang magsalita at magprotesta sa online man o sa mga lansangan sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Imbes na pakinggan at aksyunan ang mga lehitimong hinaing at saloobin ay aakusahan pa na nagsisinungaling ang mga migrante.
Sa bisa ng bagong Terror Law, ang mga lehitimong panawagan ng ating mga kapatid na OFW sa social media para sa mapayapang mga pagkilos at pag-oorganisa ay madali na lang tawaging terorismo ng Anti-Terrorism Council. Ang mga probisyong ito sa Terror Law ay nagbabalewala sa mga civil at political rights na nakasaad sa ating Saligang Batas. Mas mabagsik pa sa Martial Law ang Terror Law ni Duterte.
Hindi kailanman bubuti ang sitwasyon ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng tuta, pasista, at utak pulburang si Duterte. Katulad ng karanasan nating mga migrante, hindi matutugunan ang ating kalusugan, kabuhayan, at karapatan kung hindi tayo magsasama-sama at magsasalita laban sa lantarang abusong ito.
Nanawagan ang mga migranteng Pilipino at pamilya na buong lakas na ibasura ang Terror Law! Matapang na harapin, isanib ang lakas, at mahigpit na makipagkapit-bisig sa nakikibakang sambayanang Pilipino.###
HINDI PA TAPOS ANG LABAN!
#JunkTerrorLaw
#DiPagagapi
#OustDuterteNow
Nagkakaisang Pilipino sa Pransya-Les Philippin.es Uni.es en Franc