Ako si Juan OFW, dating badante. Kabilang na ngayon sa tinatawag na “stranded” o walang regular na trabaho. Iyan ang hirap kapag caregiver ka kapag natigok si Italyano kasamang natitigok ang bulsa. Magaang trabaho, maraming oras mag-Facebook, pati selfie dinadamay ang amo. Kalaban mo lang ang inip at dapat matibay ang sikmura kapag pumulandit ang ihi at tae ni Italyano sa kanyang karsunsilyo.
Isang umaga, tutal rin lamang at walang trabaho, nagpasya akong magsadya sa tanggapan ng POLO-OWWA sa Roma para i-renew ang aking membership. Sinuot ko pa nga ang bagong damit na binili ko sa Mercato. Sabay wisik ng bagong biling pabango, suklay ng buhok at bago tuluyang lumabas ng aking kwarto di mapigilang sumulyap muli sa kwadradong salamin sa lumang tukador na minana ko pa sa aking unang amo. Di ko na nga binigyang-pansin ang mga dokumento na dadalhin. Sabi ko “ tiyak namang mayroon akong lahat ng kailangan nila.”
Hindi kasi ako nakasama sa palistahan nang magkaroon ng service mission sa Firenze. Di ko kasi kilala ng personal si Mr. Fernandez , isang Pilipinong boluntaryong nagtatrabaho sa Konsulado. Di ko alam pero wala na raw pwesto para sa akin. Ayaw ko na lang isipin na nakarating pa dito sa Italya ang palakasan. Sa kabilang banda masaya ako dahil first time akong makakarating sa Roma kaya dapat GWAPO! Marahil dadaan na rin ako sa Vaticano at tatagpuin ko ang aking ex doon.
Bago pa ako matuntong sa tarangkahan ng Embahada, sinipat ko pa ngang muli kung may watawat ng Pilipinas. Dahil sa harapan nito, may isang makisig na lalaki, Bill daw ang pangalan na tinatalakay ang PORK BARREL . Sa isip ko litsong baboy na niluto sa bariles. Aniya, “Pork Barrel King” si Presidente Aquino dahil ang gabinete partikular ang Department of Budget at ang pinuno nitong si Abad ay kasabwat ni Napoles. Dawit din sa kwento niya si dating Senate President Drilon. Sa kwento nga , kalahati ng senador, daang kongresman at mga kalihim ng Departamento ang sangkot. Dahil dito,bahagyang naantala ang aking pangunahing pakay, i-renew ang pagsapi sa OWWA.
Nagulantang ako sa haba ng pila, Huwebes pala ngayon, day-off ng maraming tulad ko. Sa wakas at nakakuha ako ng numero. Hinihintay kong tumayo ang isang dalaga na mukhang tinatawagan ng amo at pinababalik sa trabaho.
”KAINIS”, aking naulinigan. Nurse daw yun, walang makitang trabaho sa Pinas kaya andito. “Flussi” ang nagiging paraan niya ng pagdating . “ Ako pala si Weng” pakilala ng aking nakatabi sa upuan, “ako naman si Juan OFW”, sagot ko. Katabi niya ang isang kwarenta anyos na babaeng may pasa, parang sinaktan o nagulpi. “Napano siya , tanong ko?” “Ginulpi ng amo,“sabi ni Weng. Nangyayari din pala yan sa Europa, alam ko lang ay talamak yan sa Middle East (rape pa nga ang madalas), Hong Kong at kung saan sangkaterba ang mga OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay. Paalis na rin sila dahil sa halip na asistihan sila ng POLO, isang labor attache officer at ng OWWA tinuro sila sa Sindacato.
“Numero 69”, anunsyo ng babae sa maliit na salamin. “Numero ko yun , kagyat akong tumayo at tumapat sa bintana. ”Magandang umaga ma’am,” bati ko. “DOKUMENTO, ani ng babae. Aking iniabot ang aking pasaporte at permesso di soggiorno, apat na buwan na at paso na rin ito. Laking gulat ko nang di tanggapin ng ahensya ang aking inihahaing passport at permesso di soggiorno.
Hinahanapan ako ng konrtibusyon sa INPS o sulat ng aking employer bilang katibayang ako ay may trabaho. Kung wala ang mga iyon malabong maging kasaping muli ng OWWA.
Kagyat kong naisip na, paano kung may mangyari sa akin (wag naman sana)! Tulad ng nangyari kay Aling Saling na taga Tacloban. Dumating siyang (clandestino) dito sa Italya. Minsang naglilinis ng bintana, akalain mo ba namang nakabitaw sa hinahawakang seratura. Hayon, pinoproblema ng mga kasamahan niya sa inuupahang silid ang pagpapadala ng kanyang bangkay sa Pilipinas.
Tulad ko kulang daw sa bagong rekisitos sa pagsapi. Nawasak pa naman ang kanyang ipinapatayong bahay bunga ng bagyong Yolanda. At hanggang ngayon sa mga tent pa rin sila nakatira. Marami ngang kwento na kahit sa parte ng Samar at Leyte hindi lang sa Tacloban ganito ang tanawin. Walang tirahan, trabaho, tigil na ang rasyon, nagtitiis sa maiinit na tent (kubol) at yung malapit sa baybaying dagat ay di na muling pinayagan magtayo ng kahit barong-barong. Gagawin daw eco-tourism ang lugar.
Tumambling akong palabas ng Embahada. Bigo, pagod, nasayang na oras at panahon, higit sa lahat tumataginting na 50 euro (solo andata) na ipinambayad ko sa tiket, mahal kasi ang Freccia Rosa pero masisiyahan ka sa bilis, linis at komportableng biyahe.
Tinuloy ko ang plano na tumungo sa Vaticano. Tinawagan ko si Sisa, ex ko sa Pinas noong kami’y nasa parehong iskwelahan sa probinsya. Krrringgggggg…..”ayoko sana na ikaw ay mawawala”(Aegis yata ang ring tone ng telepono niya), paborito niyang grupo ng mang-aawit dahil hanep kung bumirit. “Il numero che ha chiamato e non disponibile”, naisip ko mauunsiyami pa yata ang aking matagal nang hangad na makita siyang muli. Purnada! Dami ko pa namang plano, kakain kami sa Mc Donald o Burger king (siyempre sagot ko), mamamasyal at kung posible, katulad ng dati gawin ang ginagawa ng mag-asawa, ito e kung posible pa.
Sa di kalayuan nakakita ako ng grupo ng mga Pilipino na may dalang mga plakards. “LAHAT NG SANGKOT MANAGOT!” “Bro intsik ka ba?”, tanong ng isang nagpapaliwanag. Sa loob-loob ko, pinagdudahan pa ang aking nasyonalidad e pango naman ang aking ilong! Paliwanag niya na umabot na hanggang Malakanyang ang alingasaw ng korapsyon at pilit ikinukubli ang partisipasyon ng mga susing opisyales ng Gabinete. Sekretaryo Butch Abad at lima pa sa kanyang pamilya na sangkot sa PDAF, Sekretaryo Alacala sa Kagawaran sa Agrikultura dagdag pa ang bigong pangongotong ng kapatid ni P-Noy sa gobyerno ng Czech para sa pagbili ng bagon ng MRT at LRT. Tumataginting na $30M ang hinihingi kapalit ng pagkopo sa kontrata. Naisip ko tuloy, mabuti na lamang at may mga taong handang magsiwalat ng lahat at malalakas ang loob para labanan ang katiwalian at mapawi ang pagsasamantala. Nilingon ko ang isang placards, nakasulat “ LP – Lapian ng pangulo, Lapian ng Plunderers”.
Nakasabayan ko si Pedro, taga Mindanao. Pareho Regionale ang sinakyan naming treno pauwi. Tumaas na naman kasi ang presyo ng biglieto. Ipinaliwanag niya sa akin na ayon sa OWWA Omnibus Law ( art.IV, sect.1.B.) ang usapin sa boluntaryong pagsapi ng lahat ng OFW. Karapatan ko pala ito! Sinasaad pa sa Republic Act 8042 na nararapat pangalagaan ang lahat ng OFW o mga “bagong bayani” dapat pangalagaan, asistihan at bigyang proteksyon. Maling i-abandona ng POLO-OWWA ang dikretong ito, diin pa niya. Umabot pa ang aming kwentuhan na sa Mindanao ay laganap ang malawakang pagmimina. Kabilang nga ang kanyang pamilya sa naitaboy dahil ang kanilang niyugan ginawang taniman ng DOLE at Del Monte.
Naunang bumaba ng tren si Pedro. Binasa ko ang polyetong iniwan niya sa akin. Nananawagan pala ang mga Migrante dito sa Italya sa Board of Trustees sa pamamagitan ng kanyang Administrador na –
1. Ibalik at ipatupad ang dating alituntunin na passport at kontrata lamang ang kailangang dokumento sa panahong ipinoproseso ang kanyang pag-aaplay sa trabaho at passport lamang ang kailangan kung siya ay boluntaryong nag-aaplay na maging kasapi sa panahon siya ay nasa labas ng ating bansa.
2. Ibalik ang dating “lifetime membership”.
3. Pag-uulat sa kaganapan sa ahensya laluna sa kanyang pananalapi.
4. Pagtiyak sa mabilis at epektibong pagbibigay ng serbisyo at pagtugon sa problemang kinakaharap ng mga OFW.
5. Pagpaparami ng representasyon ng OFW sa Board of Trustees at pagbibigay sa kanila ang pangangasiwa ng nasabing ahensya.
Pagdating ko ng bahay, tumambad sa akin ang lumang dyaryo ng Ako ay Pilipino. Sa frontpage “ P450 milyong pondo ng OWWA pinakialaman ni GMA”. Sa inis ko, nanuod na lang ako ng Pinoy channel sa TFC. Ang pangunahing balita – Pangulong Noynoy Aquino nagpamigay ng milyon-milyong bonus sa mga pinuno ng OWWA. Pondo ng Philhealth nawawala, baon sa utang at namemeligrong di mapakinabangan ng mga kasapi ang kanilang kontribusyon.
Nagdesisyon na lang akong mahiga at magpahinga sa aking inuupahang “repostilyo”, ginawang kwarto, mas mura kasi ang bayad. Umuukilkil sa aking gunita ang anak ko na humihingi ng pang-matrikula. Taon-taon na lang tumataas, renta sa boarding house, pamasahe, uniporme at pagkain. Kahapon lang tumawag ang kapatid kong bunso, kasamang natangal sa NXP semi-conductor sa Cabuyao. Ang kompanyang gumagawa ng micro-chips ng sikat na I-Phone at I-Pod. Naalala ko ng mag-strike din ang mga manggagawa ng Coca-cola.
Mahigit limang taon na silang manggagawa bilang driver pero nanatili silang kontraktwal. Herrera Law, isa sa batas na pinirmahan ni Cory Aquino, ina ni Pres. P-noy. Sa ilalim ng batas na ito, lumaganap ang kontraktwalisayon, nameligro ang seguridad ng mga manggagawa sa trabaho, napako sa napakababang minimum wage ang mga obrero.
Bumalik sa aking isipan ang ilang kwento sa Mindanao. Mula ng maaprubahan ang Mining Act of 1995 sa panahon ni Presidente Ramos, naglitawang parang mga kabute ang mga mining company. Nito lamang taong ito, sa rehiyon ng Davao sangkatutak ang pinayagang magmina. Open pit mining ang modernong paraan. Pinapatag ang kabundukan. Kabilang sa mga kompanya ang IndiPhils, Kinimi Copper Exploration and Mining Corp, Pacific Heights Resources Inc, Mcwealth Mining Corp, Geoffrey T. Yengko at Compostela Valley. Macliing Dulag ang pangalan na natatandaan kong lumalaban sa Philex at Cellophil Mining Co. na pinaslang sa Cordillera sa dahilang nilalabanan nila ang pagmimina na nagdudulot ng pagkawasak ng kalikasan at pagtataboy sa kanilang lupang ninuno.
“Che giornata!…” Andirito na ako sa Italy ayaw pa akong lubayan ng mga problemang panlipunan. Dito naman, patuloy din ang pagtaas ng lahat bilihin, mula sa pagkain at damit, upa sa bahay, tubig-kuryente-gas, gasolina. Patong-patong din naman ang bayaring buwis…hay naku!
“Juan, Juan, Juan gising na, anong oras ba ang sasakyan mong treno papuntang Roma? Sayang ang tiket mo “pag nagkataon”. (sinulat ni RO, isang migrante sa Firenze, 2014)