Ang mga balangay ng organisasyong Migrante sa Italya ay mahigpit na tinituligsa ang walang habas na pagsikil sa karapatang pantao, pagtugis at pamamaslang sa mga grupo at indibidwal na kritiko ng rehimeng US-Duterte. Halos araw araw ang pagtaas ng bilang ng mga biktima ng mga ilegal na pagdakip, detensyon at pagsasampa ng mga gawa gawang kaso. Sunod sunod na pagpaslang sa mga lider at organisador ng mga pangmasang organisasyon, pari, abogado at itong huli’y isang konsultant ng NDFP na si Felix Randy Malayao.
Si ka Randy ay nakilala at nakasama ng mga grupo at indibidwal ng organisasyong Migrante sa Italya nuong huling bahagi ng 2016 sa Roma para sa ilang mga paghahanda ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Aktibo sa pagdalo si ka Randy sa iba’t ibang mga Forum at inisyatiba ng organisasyong Migrante. Walang kapaguran nyang nilahukan ang mga paanyaya ng iba’t ibang mga organisasyon kabilang ang mga Italyano para sa paglilinaw ng layunin ng NDFP, nang tunay na kalagayang pang-ekonomiya at putitika, at ang mungkahing mga reporma at pagbabago para sa pagkakamit ng isang makatwiran at pangmatagalang kapayapaan sa ating bansa.
Ang brutal at patraydor na paraan ng mga pagpaslang na ito ay isa nang tatak ng gobyerno ni Duterte. Mismong sa bibig niya nagmumula ang mga pahayag ng kabastusan, pangungutya, paghimok ng galit at pang-eengganyo ng mga pagpatay sa mga kritiko at kalaban sa politika ng kanyang administrasyon. Pagpatay ang pangunahing paraan ng gobyernong ito upang maghasik ng takot sa papalawak at lumalapad na kilusan ng mamamayang nagigising sa katotohang walang positibo at tunay na pagbabagong naganap at magaganap sa ilalim ng kanyang panunugkulan.
Sa kabila naman ng mga ilegal na pagdakip, detensyon at pandarahas, sa papalapit na eleksyon, tuloy tuloy naman sa pagmamaniobra ang mga kasapakat ni Duterte para diskwalipikahin ang mga partylist ng mga tunay na kumakatawan sa mga mamamayan at mas binigyang pabor ang pagpasok ng mga bogus o pekeng partylist. Nag-uunahan ang mga trapong politiko sa pag-agaw ng atensyon sa masmidya sa pamamagitan samut saring gimik elektoral habang tinatabunan ang mahahalagang usapin ng bayan kaugnay ng sahod, trabaho, kalusugan, pabahay, buwis at iba pa.
Walang maasahang kalutasan ang sektor nating migrante sa lumalalang krisis ng lipunang Pilipino sa pamumuno ni Duterte. Patuloy parin ang migrasyon nating Pilipino. Ang mapait pa’y habang tayo’y lumalabas ng bansa ay siya namang pagpasok ng libu-libong lakas paggawa mula sa Tsina sa kadahilanang kulang daw tayo ng mga mangagawang may kasanayan. Tayo ngayo’y nabubuhay sa daigdig ng kabaligtaran. Nirerebisa ang kasaysayan sa pamamagitan ng mga peke at maling datos. Nahihirang at pinararangalan ang mga bwitre at korup, habang nilalait, kinukutya at kinukulong ang tunay na mga lingkod bayan. Buhay na buhay ang mga kriminal samantalang ang mga inosenteng tagapagtanggol at tagapagtaguyod ng karapatan at pakayapaan ay pinapatay.
Itigil na ang kahibangang ito. Itigil ang pamamaslang! Papanagutin ang gobyernong ito sa paglabag sa karapatang pantao! Patalsikin ang rehimeng US-Duterte! Hustisya kay ka Randy Malayao! Hustisya sa Lahat ng Biktima ng Pasismo ng Rehimeng US-Duterte!
UMANGAT-Migrante Roma | Migrante-Como/Milano | Migrante-Bologna | Migrante-Firenze | KAPIT BISIG-Migrante Milan | Migrante-Mantova(kp) | Migrante-Caserta(kp)
Leave a Reply