Mariing kinokondena ng Ugnayang Pilipino sa Belgium (UPB) ang patraydor na pagpatay kay NDFP peace consultant Randy Malayao noong Jan.30, sa Hilagang Luzon sa Pilipinas. Siya ay binaril sa loob ng bus habang natutulog. Ang salarin ay pumanhik sa bus habang ito ay naka-stop over sa Aritao, Nueva Vizcaya. Tumakas ang kriminal sakay ng motor ng naghihintay na kasamahan.
Si Ka Randy ay isang dating aktibistang istudyante . Siya ay naging opisyal ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), ang samahan ng mga patnugutan ng mga Kolehiyo at Unibersidad sa Pilipinas. Siya rin ay aktibong nangangampanya para sa paggalang sa karapatang pantao at pagkamit ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng Pilipinas.
Siya ay naging political prisoner noong panahon ng administrasyon ni Gloria Arroyo. Nang siya ay makalaya, ipinagpatuloy niya ang kanyang aktibismo at gumampan ng mahalagang papel sa pagbubuo ng Bayan Muna sa Cagayan Valley. Naging susi rin siya sa pagbuo at paglawak ng organisasyong Migrante sa rehiyon.
Nakadaupang palad ng UPB si Ka Randy noong siya, kasama ang iba pang peace consultants ng NDFP ay pumunta dito sa Europe para sa usaping pangkayapaan sa pagitan ng Goverment of the Republic of the Philippines (GRP) at ng National Democratic front of the Philippines (NDFP).
Malinaw at makatwiran ang pagpapaliwanag niya na, ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at tunay na industriyalisasyon ang siyang makakapagbigay daan tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa lipunang Pilipino.
Ang masidhing pagmamahal ni Ka Randy sa mga magsasaka at mamamayan ng Cagayan Valley, ang pagyakap nito sa kanilang mga hangarin at interes, at ang walang pag-iimbot na pakikipamuhay at pagsama sa kanilang pakikibaka ay lumikha ng malaking pagkapoot at higit sa lahat ay malaking TAKOT ng Rihemeng US-Duterte. Nangangamba silang ang mga mamamayan ay natututong igiit ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Ang epektibong paggampan ni Ka Randy bilang isang mahusay na propagandista, guro, o bilang isang matapat na kaibigan at kasama ay naghatid ng takot sa mga pasista. Ito ang tanging dahilan ng patraydor na pagpatay sa kanya.
Subalit ang binhi ng pag-asa at ang marubdob na hangaring mapalaya, mapaunlad at makamit ang pangmatagalang kapayapaan ay naipunla na ni Ka Randy sa malawak na mamamayan hindi lamang sa Hilagang Luzon sa Pilipinas kundi umabot na hanggang dito sa Europa.
Kasama ng INTAL (International Action for Liberation, Stop the Killings platform, ang UPB ay magsasagawa ng kilos protesta sa Brussels ngayong Lunes, Feb. 4.
STOP THE KILLINGS, JUSTICE NOW!
OUST US-DUTERTE REGIME!
JUSTICE FOR RANDY MALAYAO, BEN RAMOS, AND OTHER VICTIMS OF EXTRA JUDICIAL KILLINGS!
For reference:
Romy Corpuz
execom member, Ugnayang Pilipino sa Belgium (UPB)
Email: [email protected]
Leave a Reply