Sa pangalan ng Executive Committee at mga kasaping organisasyon ng Migrante Europe ay akin pong ipinapaabot ang aming matinding pagkundina sa marahas na pag raid ng mga elemento ng pulis at militar sa mga aktibista, lider-mangagawa, mga maralitang taga-lungsod, mga lider katutubo, lider mangingisda na nagresulta ng pagkamatay, pagkaaresto at pagkawala ng iba ng mga taong ginawan ng mga gawa gawang kaso kasabwat ang mga korte at husgado.
Grabe na talaga kalala ang kalagayan ng mga mamayang Pilipino sa ilalim ng abusado, kurakot tuta ng America at sunud-sunuran sa Tsina na gobyerno ni Duterte.
Ang mabangis na pamamaraan ng gobyerno ni Duterte upang sikilin ang karapatan ng mga aktibista, mga nasa oposisyon, mga human rights defenders, lider ng mga legal na demokratikong organisasyon sa pangalan ng pagtugis sa armadong grupo at paggapi sa kilusang rebulosyonaryo ay hindi katanggap-tanggap sa isang sibilisadong lipunan.
Kailan naging krimen ang maglingkod sa mamamayan? Kailan naging krimen ang pakikibaka para sa karapatan sa trabaho, kabuhayan, disenteng pabahay? Kailan naging krimen ang pagtataguyod sa karapatang magpasya para sa lupang ninuno? Kailan naging krimen ang pagsingil sa pabayang gobyernong walang ginawa kundi mangutang ng mangutang at hayaang nakawin ang kabang-bayan ng mga kurakot na opisyal, habang ang mamamayan ay gutom, walang ayuda at bakuna sa gitna ng pandemya?
Hindi na sapat na ang mga migranteng Pilipino ay manahimik at hindi makikialam. Hindi na natin hahayaang ang ating mga remittances at buwis ay magamit ng abusadong gobyerno ni Duterte upang ang ating mga kababayan ay patuloy na apihin, pagsamantalahan, binubusabos, tinatakot, sinisikil ang mga karapatan, inaaresto sa pamamagitan ng gawagawang kaso, pinapatay!
Ang Migrante-Europe, kasama ang mga organisasyong Pilipino at non-Filipino dito sa Europe ay mahigpit na makikiisa sa lahat ng mamayang Pilipino sa ibat-ibang bahagi ng mundo at sa ating mahal na bayang Pilipinas upang singilin ang gobyernong Duterte sa kanyang mga kasalanan sa mamamayang Pilipino.
Sa mga mahal sa buhay at kasama nang mga naulila ng mga pinaslang na magigiting na lider-mangagawa, mga lider ng maralitang taga-lungsod, mga lider katutubo, mga lider mangingisda: itinuring man silang “terorista” sa ilalim ng hindi makatarungang sistema ng tunay na teroristang gobyernong Duterte, para po sa Migrante-Europe, sila po ay mga martir at ang kanilang walang kapantay na paglilingkod sa mamamayang Pilipino at nakakatiyak po tayo na ang kanilang mga naging gawain at responsibilidad ay malapit din sa puso at misyon ng ating Panginoon HesuKristo: na ang bawat isa ay magkaroon ng buhay na ganap at kasiyasiya.
Ang sabi nga ng bayaning Andres Bonifacio, ‘Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagka dalisay at pagkadakila, tulad ang pag-ibig sa tinubuang lupa, aling pag-ibig pa, wala na nga wala.’
Ang buhay at paglilingkod na inialay sa sambayang Pilipino ng ating mga martir ay magsisilbing binhi ng pakikibaka at inspirayon sa mga mamamayang patuloy na titindig at makikibaka hindi lamang upang mapatalsik sa poder ang gobyernong Duterte kundi upang tuluyan ng gupuin ang malapyudal at malakolonyal na lipunang Pilipino na pinaghaharian ng demonyong tagapagtaguyod ng imperyalismo, burakrata kapitalismo at pyudalismo.
Makibaka, Huwag Matakot!
Fr Herbert Fadriquela
Chairperson
Migrante-Europe
March 10, 2021
Leave a Reply