Mensahe ng pakikiisa kina Jerome Aba, Sr. Pat atbp tagapagtanggol ng karapatan

Mariing kinukundena ng Nagkakaisang Pilipino sa Pransya (NPSP) ang di-makatarungang deportasyon ng gubyernong Estados Unidos kay Jerome Succor Aba, isang lider Moro at peace advocate sa Pilipinas.

Si Jerome ay ang Vice-Chairperson ng Sandugo (Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination). Kinulong siya ng 28 oras noong ika-17 hanggang ika-18 ng Abril 2018 sa San Francisco International Airport habang pinipigilang makapasok sa loob ng US. Tinanggihan ng mga opisyales ng US ang kanyang karapatang kumausap ng abugado, tinanggihan ding makipag-usap sya sa kanyang mga kaibigan at host sa San Francisco.

Kinumpiska ng US ang kanyang pasaporte at bagahe, ginapos, nilipat-lipat sa limang kulungan, at pinaranas ng pisikal at sikolohikal na pagpapahirap.

Nakatakda sanang dumalo si Jerome sa Ecumenical Advocacy Days (EAD) for Global Peace with Justice sa Washington DC noong ika-20 hanggang 23 ng Abril. Panauhin din sya sa iba’t ibang pagtitipon sa USA upang magsalita tungkol sa kalagayan ng mamamayan sa Mindanao sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang pagkulong, pagmamalupit at deportasyon ng US kay Jerome ay pumigil sa pagsisiwalat sa mamamayang Amerikano ng mga kalagayan sa Mindanao. Nilalantad nito ang papel ng USsa kalupitang dinaranas ng pambansang minorya sa Mindanao, laluna bilang resulta ng pambobomba, pagwasak at pagkubkob sa s yudad ng Marawi gamit ang mga armas at hukbo ng US. Daang libong Maranaw ang nawalan ng tahanan at kabuhayan, lumikas at hanggang ngayon ay hindi pinahihintulutan na umuwi.

Kinukundena rin namin ang iligal na pagdakip at pagkulong ng Bureau of Immigration ng Pilipinas kay Sr. Patricia Fox noong ika-16 ng Abril. Si Sr. Pat ay ang Mother Superior ng Our Lady of Sion Congregation sa Pilipinas at 27 taon nang nagsasagawa ng kanyang missionary work sa hanay ng mga magsasaka at katutubo sa Gitnang Luson. Pinaparatangan sya ngayong ‘undersirable alien’ ng gubyernong Duterte dahil umano sa pagsali sa mga ‘political activity’.

Pinalaya si Sr. Pat matapos ang isang araw ng iligal na pagkulong subalit iimbestigahan pa rin diumano ng gubyernong Duterte.

Ang dalawang magkahiwalay na insidenteng ito’y manipestasyon ng makitid-na-pagiisip at kalupitan ng gubyernong Duterte at Trump laban sa mga kumikilos para sa kapakanan ng mahihirap at inaapi. Bilang mga manggagawang migrante, lubos na nakakabahala sa amin ang ganitong mga balita dahil araw-araw din naming kinakaharap ang ganitong panganib. Ang pag-atake kay Jerome at Sr. Pat ay pag-atake rin sa aming mga karapatan, laluna’t nabibilang din kami sa naghihirap at inaaping sektor dito sa Pransya at ang aming pamilya sa Pilipinas.

Kaya naman nakikiisa kami sa iba pang tagapagtanggol ng karapatan sa buong mundo sa pagkundena at sa panawagan para sa hustisya para kina Jerome at Sr. Pat, at para sa iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Defend Human Rights Advocates!
Stop Harassing Human Rights Defenders!
Resist Crackdowns!

Nagkakaisang Pilipino sa Pransya
[email protected]

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *