Paghahayag ng mabuting balita at pagtatanggol sa human rights, gawain ng mga misyonero

Author: Marian Pulgo

Maging bahagi sa paghahayag ng mabuting balita, pagpapanatili ng kapayapaan at pagtatanggol sa karapatang pantao.

Ito ang pangunahing gawain ng mga misyonero ayon kay Sr. Beth Pedernal ng Missionary Sisters of St. Charles Borromeo, Scalabrinians na nakabase sa Roma.

Nakagugulat kay Sr. Pedernal ang ginawang pag-aresto sa Australian Missionary na si Sr. Patricia Fox, NDS ng Bureau of Immigration kung saan inako ng Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang nag-utos dahil sa ‘disorderly conduct’.

We are pro peace! We want to be instrument of peace and that is also our way of being a missionary. Our being a living sign, testifying journeying with the people. Living out our call to holiness. To serve god and love God in the service of the people,” ayon kay Sr. Pedernal.

Ipinaliwanag ni Sr. Pedernal na bilang Filipinong misyonero sa ibang bansa ay tulad din ng ginagawa ni Sr. Fox ang maging buhay na saksi ni Kristo.

“Ako bilang misyonero sa labas ng Pilipinas at na-assign sa Estados Unidos for how many years at ngayon nandito sa Roma, nakikita ko at nauunawaan si Sr. Pat. Ako mismo kahit foreigner ako dito sa Roma, ako ay nakikisangkot sa mga migrante sa mga taong kailangan ang tulong upang bigyan ng pansin ang karapatan ng mga migrante hindi lamang ng mga Pilipino kundi ng iba pang manggagawa,” paliwanag ni Sr. Pedernal.

Sinabi ng Madre na ang pagiging misyonero ay sa pamamagitan ng pakikisalamuha, pakikilakbay kasama ang sambayanan at pagtatanggol ng kanilang karapatan para sa kadakilaan ng Panginoon.

Si Sr. Pedernal ay isa sa tatlong misyonero na nakabase sa Roma na kabilang sa 23 madre na bumubuo ng Scalibrian congregation sa Pilipinas.

SHARE