Pahayag ng UMANGAT-MIGRANTE sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa

Isang taas kamaong pagbati sa lahat ng mga kapwa Migrante at lahat ng mga Manggagawa sa buong mundo. Isang napakahalagang tungkulin ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, dahil ito ay simbolo ng pagkilala sa kadakilaan ng Uring Manggagawa na nakikibaka para sa ikabubuti ng Sangkatauhan. Kung wala ang mga manggagawa: ay walang lilikha ng gusali o bahay na ating matitirhan, walang mga damit na ating maisusuot, walang maghahatid sa ating destinasyon, walang mag-aalaga sa atin sa mga ospital, walang magtuturo sa mga paaralan, walang mga makinarya, household appliances at gadgets na gagamitin, at higit sa lahat walang yaman na malilikha para sa Sangkatauhan.

Ito ang kahalagahan nating mga manggagawa, tayo ang lumilikha ng yaman ng bawat bansa subalit patuloy na naghihirap ang mayorya ng mga manggagawa, lalo na sa ating bansa, dahil nakapako sa mababang sahod at karampot na benepisyo ang natatanggap ng mga manggagawa. Hindi rin ginagalang ng Estado at ng kanilang imperyalistang amo ang kanilang mga batayang karapatan at mariing sinusupil ang unyon ng mga manggagawa. Sa halip na dinggin ang kanilang mga hinaing ay dahas at pagyurak sa karapatan ng mga Manggagawa ang kanilang ginagawa.

Kaya naman napakahalaga na tayong mga manggagawa ay magkaisa at ipagpatuloy ang laban para sa ikabubuti nating mga manggagawa at ng ating pamilya at para sa Sangkatauhan.

Mabuhay ang Uring Manggagawa ang Hukbong Mapagpalaya!

Mabuhay ang mga Migrante saan man panig ng Mundo!

Longlive International Solidarity!

SHARE