Mensahe ng Pakikiisa ng Migrante-Europe para sa Asembliya ng Pagkakatatag ng Migrante-Philippines

Maalab na pagbati ang aking ipinapaabot sa mga kalahok at mga bisita at mga taga suporta sa Asembliya ng Pagkakatatag ng Migrante-Philippines.

Ang inyong pagtitipon sa makasaysayang araw na ito ay simbolo ng inyong lakas at pagkakaisa para isulong ang interes at kagalingan ng mga Migranteng Pilipino at makapag ambag sa pang kabuuang pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa kahirapan, mga paglabag sa karapatang pantao at kamtin ang mga batayang pagbabago sa ating lipunan. 

Ang patuloy na pagdami ng bilang ng mamamayang Pilipinong nakakaranas ng pang ekonomiyang kahirapan ang isa sa mga nagtutulak upang araw-araw ay libu-libong mamamayan ang sapilitang iniiwanan ang pamilya at pamayanan at makipagsapalaran sa ibang bayan sa hangaring magkaroon ng pag unlad at kaginhawahan sa buhay. 

Ang kahirapang bunga ng kawalan ng lupang sinasaka at sistemang usura na mapagsamantala ang nagtutulak upang ang mga kabataan at manggagawang-bukid sa kanayunan ay napipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa.

Ang sistemang kontraktwalisasyon at mababang pasahod sa pagawaan at pabrika ang nagtutulak upang ang mga manggagawang Pilipino ay napipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa sa trabahong kahit hindi angkop sa kanyang napag aralan at kakayahan.  Ang kawalan ng makatarungang sahod ng mga Pilipinong propesyunal ang pangunahing nagtutulak upang ang ating bayan ay maibsan ng mga magagaling at matatalinong propesyunal. 

Nais ko pong ipaabot sa inyo ang galak at tuwa ng bawat kasapi ng Migrante-Europe sa pagkakatatag ng Migrante-Philippines. Ang presensya ng balangay ng inyong organisasyon sa bawat barangay, munisipyo, syudad at probinsya ay nagpapatunay ng iyong lakas bilang isang organisasyon. Ito rin ay epektibong pamamaraaan upang makipagkapit-bisig ang Migrante-Philippines sa batayang sektor ng masang Pilipino upang maisulong ang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon at ganap na pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ng bayang Pilipinas. 

Mabuhay ang Migrante-Philippines!
Mabuhay ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para pambansang kalayaan at demokrasya!

Reference:
Father Herbert Fadriquela, Jr.
Email: [email protected], +447456042156

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *