Maalab na pagbati ang ipinapaabot ng Migrante-Europe sa mga opisyales, kasapian, delegado at mga panauhin ng Pangkalahatang Assembliya ng MIGRANTE at Gabriela – Kingdom of Saudi Arabia!
Ang krisis pang ekonomiya at ang kawalan ng makabuluhang pagkakakitaan sa Pilipinas ang pangunahing dahilan upang araw-araw libo-libong manggagawang Pillipino ay sapiliting iiwanan ang pamilya at kumonidad at makikipagsapalaran sa ibayong dagat. Ang Kingdom of Saudi Arabia ang isa sa mga bansang nagiging destinasyon ng migranteng Pilipino.
Ang tumiding krisis pampulitika at pang-ekonomiya sa kaharian ng Saudi Arabia at Middle East maging sa loob at labas ng bansa, ay nagreresulta rin ng pagiging bulnerable ang manggagawang migranteng Pilipino at kanilang pamilya sa mga pagsasamantala, pang-aapi at pangaabuso.
Ang lumalalang krisis pang ekonomiya sa buong mundo ay nararamdaman din dito sa Europa. Ang pagsara maraming pabrika at pagbawas ng pamahalaan ng maraming bansa sa Europa sa kaukulang budget para sa panlipunang kagalingan ng mga mamamayan ay may direktang epekto rin sa kabuhayan at karapatan ng maraming migranteng Pilipino.
Ang mga nararanasan ninyo at ng inyong mga pamilya, kaibigan at kapwa manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia ay kahalintulad din sa karanasan ng maraming migranteng Pilipino saan mang daku ng mundo at ito ay mga buhay na patunay na hindi migrasyon ang sagot sa kahirapan at kawalan ng kabuhayan sa bayang Pilipinas. Ang pagpupustura bilang makamanggagawa at makamigranteng Pilipino ng Pangulong Rodrigo Duterte ay kabaliktaran ng “labor export policy” ng kanyang pamahalaan.
Ang Tema ng inyong pagtitipon “MAPANGAHAS NA PUKAWIN, ORGANISAHIN AT PAKILUSIN ANG PINAKAMARAMING BILANG NG MANGGAGAWANG MIGRANTE AT PAMILYA UPANG IPAGLABAN ANG KANILANG KARAPATAN AT KAGALINGAN AT PARA SA TUNAY NA PAGBABAGONG PANLIPUNAN SA ATING BAYAN“ ay makabuluhan at napapanahon. Eto ay nanganghulugan ng matibay na pagkakaisa ng pinakamalawak na bilang ng migranteng Pilipino at ng kanilang pamilya at lumahok sa pagtataguguyod ng batayang interes at kagalingan ng manggagawang Pilipino sa Kingdom of Saudi Arabia. Eto ay nanawagan ng isang kongkretong pagsulong para sa ganap na panlipunang pagbabago sa ating bayan. Ang inyong tema ay hindi lamang panawagan para sa inyo mga kabababayan at kapwa ko migranteng Pilipino sa Kingdom of Saudi Arabia. Eto rin ay panagawan para sa amin dito sa Europa at sa mga migranteng Pilipino sa ibat ibang bahagi ng mundo.
Ang inyong kolektibong pagtugon sa panawagan ng inyong Tema ay malaking ambag sa ating pangkalahatang pagsusulong para sa ganap na panlipunang pagbabago sa ating bayan. Ang inyong pagtugon ay magbibigay din ng inspirasyon sa lahat ng nakikibakang migranteng Pilipino sa ibat-ibang bahagi ng mundo upang ibayong isulong ang paggiit ng ating karapatan sa trabaho at kabuhayan. Ang ating samasamang pagkilos at pakikibaka bilang migrante Pilipino saan mang dako tayo ng mundo ay ambag at pakikiisa natin sa lumalawak na kilusang pagbabago ng iba’t ibang sektor ng lipunan Pilipino para sa lupa, sahod, trabaho at karapatan.
Mabuhay ang Pangkalahatang Asembliya ng MIGRANTE at GABRIELA – Kingdom of Saudi Arabia!
Mabuhay ang migranteng Pilipino!
Mabuhay ang Sambayang Pilipinong nakikibaka para ganap na panlipunang pagbabago!
Reference: Father Herbert Fadriquela, Jr.
[email protected]
25 ng Hunyo, 2017
Leave a Reply