Mga migrante sa Roma kinondena ang panghihimasok at pagyurak ng US at China sa ating soberenya

Roma, Italya. June 14, 2015

Sa kasagsagan ng pagdaraos ng araw ng kalayaan sa Piazza Ankara, ay nagsama-sama ang mga Migrante sa Roma, Italya para kondenahin ang ginawang panghihimasok ng US at CHINA sa ating karagatan at pagyurak sa ating Pambansang Soberanya. Pinangunahan ito ng mga organisasyon gaya ng UMANGAT-MIGRANTE, OFW WATCH ROME, FEDERATION OF WOMEN IN ITALY, MAKABAYANG ATAS NG SUPREMO ANDRES BONIFACIO, BIKERS IN ROME at iba pang mga Liders at indibiwal. Namahagi din ang Umangat-Migrante sa nasabing pagdiriwang ng polyeto na naglalaman ng pagsusuri at paninindigan sa pagdaraos ng araw ng ating kalayaan.

Sa pangunguna ng  Bantay West Phil.  Sea, Rome ay nagsagwa rin ng pag-ikot sa mga booth ng mga filipino community at organization na nakikiiisa sa pagdiriwang upang hingin ang suporta para makiisa sa mga pagkilos upang tutulan ang panghihimasok ng Bansang Tsina sa ating nasasakupang bahagi ng karagatan. Kasama sa isinagawang pag-ikot na ito ang mga organisasyon gaya ng Umangat-Migrante, Ofw Watch-Rome, Federation of Women at iba pang makabayang organisasyon. Isinisigaw din ang panawagang “ATING ANG PINAS, CHINA LAYAS” habang umiikot ang mga nasabing organisasyon at mahigpit naman itong sinuportahan ng ating mga kababayan na nadaraanan.

Nagkaisa ang mga nasabing organisasyon na magsagawa pa ng panibagong pagkilos para tuloy-tuloy na ipanawagan ang pagpapatigil sa panghihimasok ng bansang US at CHINA sa ating karagatan at pambansang soberanya.

TUTULAN, LABANAN ANG PANGHIHIMASOK SA ATING BAYAN!
ATIN ANG PINAS, US-CHINA LAYAS!
DEFEND OUR SOVEREIGNTY, HANDS OFF US-CHINA IN THE PHILS.!
LABOR EXPORT POLICY IBASURA!

—————————————————-

Ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya

Ngayong Hunyo 12, 2015, Araw ng Kalayaan, buhayin natin ang diwa ng ating mga dakilang bayani – sina Bonifacio, Rizal, Jacinto, Mabini at marami pang iba  – na naglunsad ng rebolusyonaryong  pakikibaka at nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang kalayaan mula sa mananakop na Kastila. Nananatiling makabuluhan ang kanilang magiting na halimbawa  sa harap ng nagpapatuloy na katiwalian at pagpapakatuta sa dayuhang interes ng rehimeng US-Aquino.

Kalayaan sa gubyernong korap

Talamak ang korapsyon sa sistema ng pulitika sa ating bansa. Ang Napoles P10 bilyong pork barrel scam ay isa lamang sa mga nabibistong katiwalian sa bulok na sistema. Kitang-kita ang pagtatakip ni Pres. Aquino sa kanyang mga alipores. Hindi isinasama ng Commission  on Audit, Department of Justice at Ombudsman sa kanilang mga imbestigasyon ang mga anomalya sa ilalim ng administrasyong Aquino. Kabilang dito ang pandarambong sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), Malampaya Fund at Disbursement Acceleration Program (DAP) mula 2010-2013.

Sa totoo lang ang sistemang pork barrel ay bahagi lamang ng mas malawak at organisadong sistema ng pagnanakaw ng mga opisyal ng gobyerno, mula pa nang itayo ang Republika ng Pilipinas.  Ang korapsyon ay talamak sa gubyerno pero ang pinakamalalang pandarambong ay nagaganap sa tanggapan ng Pangulo, ng mga iba’t ibang ahensya ng gubyerno, ng Konggreso’t mga malalaking lokal na pamahalaan.   May tawag dito –  BURUKRATA KAPITALISMO – sistema ng pagkamal ng yaman ng mga opisyal sa gobyerno sa pamamagitan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagsunod sa utos ng mga amo nilang malalaking asendero, malalaking negosyante at mga dayuhang bansa at korporasyong multinasyunal. Sa ilalim ng burukrata kapitalismo, ginagawang isang malaking negosyo ang paggugubyerno, negosyong nagsisilbi sa iilang naghaharing uri at mga dayuhang monopolyo kapitalista habang nagpapahirap sa sambayanan, lalu na sa masang manggagawa at magsasaka. Hangga’t hindi tayo lumalaya sa bulok na sistema ng burukrata kapitalismo marami pang Napoles at mga korap na pulitiko ang mamamayagpag sa kanilang pagnanakaw at pagpapahirap sa bayan.

Kalayaan sa dayuhang paghahari

Hindi rin tayo malaya sa paghahari ng mga dayuhan, pangunahin na ang imperyalistang Estados Unidos, na dati nang sumakop sa ating bansa pagkatapos makipagkutsabahan sa kolanyalistang Espanya. Sa katunayan, ibabalik pa nga ang mga base militar ng Kano (na sinipa na mula sa Pilipinas noong 1991) sa pamamagitan ng bagong kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Gagamitin din ng imperyalismong Kano  ang kapangyarihang militar upang pwersahin ang iba’t-ibang bansa tulad ng Pilipinas na sumunod sa kanilang mga dikta. Kabilang rito ay ang higit pang pagbukas ng ekonomiya ng mga bansang ito upang gawing tambakan ng kanilang mga produkto at kapital; ang pagpapababa ng sweldo at benepisyo ng mga manggagawa sa kapakinabangan ng mga dayuhang kapitalista’t mga kasosyo nila; ang pagkontrol ng mga dayuhang dambuhalang korporasyon sa industriya ng tubig, kuryente, langis at komunikasyon; ang pag-amyenda ng Konstitusyon at pagbasura sa iba pang mga batas para payagan silang magmay-ari ng lupa at mga negosyong nakareserba sa mga Pilipino tulad ng niraratsadang “Chacha” sa Konggreso sa kasalukuyan.

Samakatuwid, pinatitindi ng gobyernong Aquino ang nagpapatuloy na dominasyon ng US sa Pilipinas sa ilalim ng umiiral na huwad na kalayaan . Ito ang IMPERYALISMO o NEOKOLONYALSIMO  – sistema kung saan ang mga mahirap at atrasadong bansa ay di-tuwirang pinaghaharian ng mga abanteng kapitalistang bansa upang dambungin ang kanilang likas yaman, pagkakitaan ang murang lakas-paggawa at pigain ang pambansang ekonomya. Ang malala pa ngayon, ang dambuhalang kapitalistang bansang Tsina ay nagiging mas agresibo sa pagtatangkang saklawin ang halos buong West Philippine Sea (South China Sea) kasama na ang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas dahil na rin sa udyok ng malakas na presensyang militar at panghihimasok ng imperyalismong US.

Laban para sa tunay na kalayaan at demokrasya

Ang tatlong salot sa lipunang Pilipino – imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo — ay nagsasadlak sa ating bansa sa kumunoy ng malapyudal at malakolonyal na pagsasamantala’t pang-aapi.  Kailangan ibagsak ang sistemang ito at patalsikin ang anumang rehimeng nagtataguyod nito, tulad ng rehimengUS-Aquino.

Kailangan isulong ang laban upang wakasan ang pang-aalipin, pandarambong at panggigyera ng mga imperyalistang bansa, lalu na ng imperyalistang US at TSINA.

Laban sa pagpapaalipin sa ibang Bansa

Kabilang tayong mga migrante sa inaaping sektor sa ating Lipunan, dahil sa kawalan ng trabaho para mapagkunan ng ikabubuhay ay napipilitan tayong makipagsapalaran at iwanan and ating mga mahal sa buhay para magtrabaho sa ibang bansa. Subalit dahil sa kapabayaan ng ating pamahalaan marami sa ating kapwa migrante ang naging biktima ng Human Trafficking at illegal recruiter. Halimbawa na lamang dito si Mary Jane Veloso na magpahanggang sa ngayon ay nakakulong sa bansang Indonesia at may naka-ambang hatol na kamatayan at ang mahigit na 300 ofws pang nakakulong sa ibang-ibang bansa na karamihan ay may hatol na kamatayan. Tinatayang nasa mahigit sampung porsyento ng ating populasyon ang bilang nating mga migrante at patuloy pa ang pagdami dahil na rin sa Labor Export Policy na pinatutupad ng ating pamahalaan, na sa halip na lumikha ng trabaho sa ating bansa ay ginagawa pa tayong kalakal at gatasang baka. Kung magiging malaya sana tayo sa tatlong salot na ugat ng ating kahirapan at kawalan ng trabaho ay hindi na natin kailangan pang mangibang bayan para mabuhay tayo at ang ating pamilya.

Kailangan nating ipagpatuloy ang dakilang laban ng ating mga bayani para sa isang bansang malaya, maunlad at demokratiko, at sa tapat, makabayan at makamamayang sistema ng pamamahala. Kailangang makipagkaisa tayong mga OFWs sa lahat ng aping sektor sa ating lipunan upang matagumpay nating mapalaya ang ating Bansa sa tatlong salot na nagpapahirap sa ating Mamamayang Pilipino.

Mga Migrante at Mamamayang Pilipino Magkaisa!
Tutulan at Labanan ang Panghihimasok sa ating Bayan!
Tunay na Soberenya at Kalayaan Ipaglaban!
Panagutin ang lahat ng sangkot sa Korupsyon!
Labor Export Policy Ibasura!
Komite sa propaganda – Umangat-Migrante

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *