Migrante-Milan
Communique

02 Mayo 2016
Milan, Italy
Unang Kongreso – Mayo 1, 2016

Matagumpay na naidaos sa unang pagkakataon ang makasaysayang kongreso ng Migrante-Milan chapter nitong nakaraang Mayo uno, kasabay ng pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa. Ito ay inilunsad sa viale Monza 40 Milan, Italy na nilahukan ng humigit-kumulang sa 60 katao na kung saan 56 ang nagpahayag ng kusang-loob na pagsapi.

Sa ilalim ng temang “Pahigpitin ang Pagkakaisa, Isulong AngDemokratikong Interes Ng Ating Sektor, Itatag Ang Tunay na Organisayon Ng Migrante”, nilinaw sa mga migrantengmanggagawa dito sa Milan ang napapanahong pangangailangan nito na maitatag ang isang organisasyong tunay na magsisilbi at magsusulong ng interes at kagalingan ng sektor ng migrante kasabay ang pagsusulong ng interes ng sambayanang Pilipino. Naniniwala ito na ang paglutas sa ugat ng suliranin sa lipunangPilipino ang s’yang papawi sa suliranin sa migrasyon ng Pilipinas,
kung kaya’t wastong manawagan ng ibayong pagkakaisa sa hanay ng migrante.

Nagkaruon ng maikli ngunit makabuluhang paglalahad ng kasaysayan ng migrasyon sa Pilipinas at sa mga obhetibong kundisyon na nagtulak sa pagkakatatag ng Migrante International nuong 1994. Kabilang din sa kasaysayang ito kung paano ang naging pag-iral ng Migrante-Milan bago pa man idaos ang pormal na kongresong ito.

Matapos ang paglalahad ng kasaysayan, nagkaruon ng payak ngunit makabuluhang parangal sa pumanaw na si kasamang Sol Pillas, tumayong Pangkalahatang Kalihim ng Migrante International (2014-2016). Taas kamaong kinanta ng buong asembliya ang “Bayan Ko” bilang munting alay sa kasama at bukal sa pusong nag-ambag ang bawat isa ng kaunting halaga bilang tulong pinansyal sa kanyang naiwang pamilya.

Bago talakayin at aprubahan ang saligang batas ng organisasyon ay ipinakita at binasa ang mga video at sulat ng pahayag nang pakikiisa mula sa iba’t ibang balangay at alyadong organisasyon tulad ng Migrante-Europe, Umangat-Migrante Roma, KanlunganConsortium-UK, OFW Watch-Italy at ang mismong Migrante International sa pamamagitan ng mensaheng video ni ka Gary
Martinez, tagapangulo. Sinundan din ito ng isang presentasyon na video ng isang anak ng kasapi na kung saan kinanta ang “Tatsulok” ng dating grupong Buklod.

Naging masigla at buhay ang talakayan sa pag-apruba ng binalangkas na Saligang Batas ng organisasyon kung saan nagkaruon ng ilang pagsusog at pag-amyenda, kabilang na rito ang pagtatakda ng sapi at butaw sa organisasyon at ang dalas ng pulong ng asembliya. Sa huli’y pinagtibay at sinang-ayunan ng lahat ang Saligang Batas. Ipinakita rin ng mga dumalo ang kanilang pagsang-ayon sa pamamagitan ng kusang loob napagpapasa ng kani-kanilang mga membership form at ang ilan ay nagbayad na kaagad ng kanilang sapi at butaw.

Nagkaruon din ng masiglang pagbabahagi sa ilang mga dumalo ng kanilang mga karanasang nagpapatotoo sa mga suliraning kinakaharap nating mga migrante tulad na lamang ng mga namamatay na migranteng kailangan ng tulong pinansyal ngunit hindi miyembro ng OWWA. Halimbawa ito ng ilan lamang sa mga usaping kagyat na haharapin ng organisasyon.

Ang halalan ng pamunuan nito ay masaya, masigla at aktibong nilahukan ng lahat kung saan nahalal sina Ed Turingan bilang taga-pangulo, Cecil Morales bilang pangalawang taga-pangulo,
Franklin Irabon bilang pangkalahatang kalihim, Lea Gulle bilang pangalawang pangkalahatang kalihim at si Alma Panis bilang ingat-yaman. Binuo din sa asembliyang ito ang mga komite sa organisasyon, edukasyon at propaganda, kultura, tulong serbisyoat pinansya.

Inaprubahan ng pangkalahatang asembliya ang pang isang taon Pangkalahatang Programa ng Pagkilos nito na sasaklaw mula 01 ng Mayo 2016 hanggang 30 Abril 2017. Binibigyang diin ng naturang programa ng pagkilos ang pag-oorganisa sa hanay ng migrante, pagbibigay ng mga pag-aaral at pagsasanay para sa higit pang sandata sa kritikal na pagsusuri ng kanilang sariling kalagayan bilang sektor, paglulunsad ng mga pagkilos para sa kongkretong pagsasakatuparan ng pagsusulong ng interes at kagalingan ng migrante at sambayanang Pilipino at ang pakikipagkaisa nito sa malawak pang bilang ng iba’t ibang demokratiko at makabayang sektor at mamamayan ng ibang nasyon.

Umaasa ang lahat na ang kongresong naganap ay umpisa pa lang nang tuloy-tuloy na pagpapalakas, pagpapalawak at pagkilos ng Migrante-Milan para sa pagtataguyod ng mga demokratikong karapatan at kagalingan ng mga ofw at ng kanilang pamilya.

Mabuhay ang manggagawang Pilipino !
Mabuhay ang Migrante-Milan !

Ed Turingan
Tagapangulo
Migrante-Milan

SHARE