Update: Covid-19 Europe Monitoring
29 February 2020
Migrante Europe
Dobleng pangamba ang dulot ng Covid-19 sa buong Europa. Naging laman din sa mga pahayagan ang mabilis na pagkalat ang corona virus sa Hilagang Italya partikular sa rehiyon ng Lombardi. Ang Italya ang may pinakamaraming kumpirmadong biktima at may 17 patay (sa kasalukuyang sinusulat ito) at hinihinalang may 650 kataong posibleng nahawa. Apektado rin ang kabuhayan at trabaho ng ilan sa ating mga kababayang pinoy lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga Chinese restaurants. May hindi rin matiyak na bilang ng mga kababayan nating colf (domestic helper) ang pansamantalang hindi pinapasok ng kanilang mga employer dahil sa takot sa epidemiyang hatid ng Covid-19 sa Italya. Liban pa rito’y may iba’t ibang negosyo at impresang apektado na kung saan ay may ilang mga Pilipino ang nagtatrabaho.
Pansamatalang sinuspinde din ng gobyerno ng Italya ang pagbabayad ng bayarin sa tubig, kuryente, interes ng utang sa mga pangunahing apektadong lugar. Sarado pansamantala ang mga eskuwelahan, mga pampublikong opisina, simbahan, museo at iba pa. Ipinagbawal din ang ano mang klase ng pampublikong pagtitipon, tulad ng mga palaro (sports events), selebrasyong pampubliko, malakihang pagpupulong at pagtitipon na kinakatakutang maaaring magpakalat pa ang mga ito ng Covid-19.
Ang mga balangay ng Migrante-Europe ay nakikiisa upang makapag hatid ng mga mahahalagang impormasyon at datos ukol sa Covid-19 sa kabuuan ng Europa lalo na sa Italya.
Sinisikap din ng Migrante-Europe na makakuha ng mga datos sa mga apektadong manggagawang migranteng Pilipino na kasalukuyang hindi pinapasok sa kanilang mga trabaho dahil sa biglaang pagsasara ng mga negosyo, lalo na sa mga Chinese restaurants — kung saan karamihan ng mga mangagawa ay mga Pilipino.
Nakababahala rin ang mga naitalang insidente ng mga tuwirang pananakit sa mga Pilipino, Tsino at iba pang may lahing Asyano, na nagmumula sa nalikhang takot sa epidemiya bunga ng mababaw na pang-unawa ng ilang indibidwal at grupo sa kung paano kumalat ang coronavirus. Ang mga kaso ng papatinding rasismo ay mula sa kawalan ng sapat na kaalaman na lalong pinasidhi ng mga maling impormasyong (fake news) kumakalat ngayon sa iba’t-ibang uri at porma ng social media.
Kaya ang panawagan kontra-rasismo ay muling ibinandila ng iba’t -ibang balangay ng Migrante-Europe, matingkad dito ay ang Migrante Bologna na kung saan noong nakaraang pagdiriwang ng taunang One Billion Rising (OBR), panawagan nito sa mga lansangan ng Bolgna ay:”We rise against racism.”
Narito ang ilan sa mga update na nakalap ng Migrante-Europe ukol sa Covid-19 (29 February 2020)
*Italy – 899 cases, 21 deaths, 46 recovered.
*Germany – 79 cases.
*France – 57 cases 2 deaths.
*Spain – 50 cases.
*United Kingdom – 20 cases.
*Belgium – 1 case.
*Switzerland – 15 cases.
*Sweden – 12 cases.
*Austria – 9 cases.
*Norway – 7 cases.
*Netherlands – 4 cases.
*Denmark – 3 cases.
*Iceland – 1 case.
For Reference:
Rhodney Pasion
Deputy Secretary General
Migrante-Europe
Head
Covid Monitoring Team (Migrante-Europe)
Email: [email protected]