Pahayag ng MIGRANTE-Italy
Sa huling talumpati ni pangulong Duterte kaugnay ng COVID-19, nangingibabaw sa kanyang mensahe ang paulit-ulit na “pagsunod sa kanyang utos o direktiba”, na ang pangunahing magtitiyak ng pagpapatupad ng ordinansang ito ay ang mga kapulisan at militar. Kasama na rito ang manaka-nakang pagbanggit ng kulungan bilang pagsuway sa ordinansang ito.
Ang quarantine o LOCKDOWN at ang pagbubuo ng mga kaukulang strukturang organisasyunal ay karaniwan nang ginagawa ng maraming mga bansa bilang isa sa mga estremong prebensyon para sa paglawak pa ng sakit. Subalit, kaiba naman sa ibang bansa, ang kasama ng mga aksyong ito ay may mga kaakibat pang aksyon tulad ng suportang pang-ekonomiya.
Bago pa ang deklarasyon ng Code Red sa Pilipinas, naideklara na ng World Health Organization na ang paglaganap ng COVID-19 ay isa ng pandemiya. Sa madaling salita, ang virus na COVID-19 ay malaganap na ang saklaw sa buong mundo kung saan may mga karampatang hakbangin o protocol na dapat ipatupad ang bawat bansa. Bago pa man nito, maraming mga karanasan na pwedeng paghanguan ng aral sa iba’t ibang bansang naunang naapektuhan ng pandemiya.
Saksi sa mga karanasang ito ang mahigit sampung milyong Pilipinong nasa labas ng bansa. Naranasan ng ating mga kababayan sa China, Hongkong, Macau, Taiwan, Japan, South Korea, Italy at iba pang mga bansa kung ano ang kundisyon ng mga limitadong galaw (limited mobility) , quarantine at total lockdown ng isang lugar. Nasaksihan natin kung paano lumobo ang presyo ng isang simpleng hand disinfectant at surgical mask hanggang sa tuluyan itong mawala sa mga pamilihan. Naging saksi tayo sa kung ano ang hitsura ng panic buying sa simula ng di maayos na mga anunsyo ng direktiba kaalinsabay ng mga dis-impormasyon at fake news.
Ininda din ng marami nating kababayan ang kalagayang walang sahod dahil walang pasok sa trabaho. Hindi na natin palalawigin pa kung ano ang epekto nito sa kanilang mga kamag-anakan sa Pilipinas at mga bayaring hinaharap nila sa bansang tinitigilan. Subali’t may aral na maaaring makuha sa kung paano hinarap ng mga bansang naunang tinamaan ng epidemiya ang sitwasyon.
Sa Italya, nagdesisyon ang gobyerno ng quarantine ng ilang probinsya sa pag kategorya sa kanila bilang Red Zone, na sa kalauna’y idineklara ang buong bansa bilang Protected Zone na kasing kahulugan din ng Red Zone subali’t sa positibong aspeto at ang buong Italya ay inilagay sa quarantine o lockdown hanggang ika-3 ng Abril. Nangangahulugan ng pagsasara ng mga eskwelahan sa lahat ng antas, pagsasara ng mga negosyo at pagawaan na hindi esenyal sa produksyon at limitadong paglabas pasok sa bansa. Ang mga tao ay maaari lamang lumabas ng bahay sa tatlong mahigpit na kadahilanan- trabaho, pagbili ng pagkain, at iba pang emergency o mahigpit na pangangailangan.
Ano ang lohika ng quarantine o lockdown sa bansang Italya? Inamin mismo ng gobyerno ang peligro ng pagbagsak ng kanyang sistema at istrukturang pangkalusugan. Sa esensya hindi nito kakayanin ang paglobo ng mga maysakit dahil sa kanyang kakulangan sa doktor, nurses, mga mangagawang medikal at ng limitadong struktura nito.
Sa pagbibigay halimbawa sa kasalukuyan, ang sinumang maaaring mangailangan ng kagyat na operasyon sa anumang kadahilanan labas pa sa COVID-19 ay nanganganib na hindi maoperahan dahil sa okupado ng mga pasyenteng apektado ng virus ang mga Intensive Care Units, doktor at iba pang manggagawang medikal sa mga ospital. Liban pa sa mahina ito sa tunay na kalagayan dulot ng pribatisasyon.
Subali’t hindi dito natatapos ang direktiba. Ang mabilis na pagkalat ng virus ay mabilis ding nagpahina at ibayong nagpabagal sa produksyong kapitalista sa kabuuan, di lamang sa Italya kundi sa lahat ng mga bansang kapitalista. Kung kaya’t kabilang sa direktibang inilabas ang mga pang-ekonomiyang aksyon tulad halimbawa ng pagsuspinde ng ilang mga bayarin tulad ng utang, mortgages sa bahay, kuryente at gas ; pagbawal sa pagkatanggal sa trabaho dulot ng COVID-19; pagpapagana ng holiday leave na may bayad at iba pang suportang pang-ekonomiya sa mamamayan nito at mga maliliit na negosyo at impresa.
Sa esensya, ang mensahe ni pangulong Duterte ay awtokratikong utos at pagsunod sa utos, na may kaparusahang pagkakulong sa sinumang lumabag dito. Bagama’t itinatanggi ang batas militar, hindi nawawala ang pana-panahong pagbanggit sa papel ng kapangyarihan ng militar at pulis. Walang pagbanggit o pag-amin sa tunay na katayuan ng ating sistema at strukturang pangkalusugan sa kakayanan nitong masawata ang pagkalat at kahandaan nito sa paggamot sa mga may sakit.
Bakit hindi binanggit ang katayuan ng ating sistemang pangkalusugan? Dahil ang katotohanan ay makikita natin sa mga naging aksyon ng rehimeng ito sa nagdaang mag-aapat na taon ng kanyang panunungkulan. Samantalang patuloy na pinalalaki ang pondo ng militar, patuloy namang binabawasan ang mga pondong may kaugnayan sa serbisyo sosyal tulad ng sa kalusugan . Mula Php 263 milyon nuong 2019 ay binawasan ng kalahati ang budyet para sa taong 2020 na umabot na lang sa Php 115.5 milyon.
Sino ba sa palagay natin ang mga mamamayang pangunahing bulnerabile sa sakit ng COVID-19? Sa pagbagsak ng sistema at struktura ng pampublikong kalusugan dahil sa pagdami ng mga pasyenteng gagamutin, ang ating mga kababayan na mahihirap (na sa kasamaang palad ay ang mayorya sa ating mamamayan) ang pangunahing biktima. Sila ang mga hindi makakatiyak ng pagpapagamot sa mga pribadong ospital. Wala silang katiyakan kahit paman sila’y mga kamag-anakan ng mga ofw sa labas ng bansa, dahil alalahanin natin na ang virus ay kalat sa buong mundo. Tuwiran o di tuwiran, ang pagpapadala ng tulong at rekurso ng kanilang mga kamag-anakan ay apektado.
Ang mga mayorya na mahihirap na mamamayang ito ang hinagupit at pinahina ng kung ilang ulit na mga batas at patakarang ipinasa ng gobyerno ni Duterte tulad ng TRAIN LAW, RICE TARRIFICATION ACT, patuloy na sistemang kontraktwalisasyon, at iba pang mga anti-mamamayang batas. Habang pilit na pinalusot ang pork barrel at binawasan ang pondo para sa publiko patuloy naman ang pag-utang para sa mga proyektong walang tuwirang kinalaman sa produksyon tulad ng Build, build build.
Ang mga nakasaad sa direktiba ni pangulong Duterte ay magsisilbing inutil at hahantong lamang sa paglala ng sitwasyon kung hindi hihikayatin ang buong mamamayan sa pamamagitan ng mga kongkretong ayuda na tutugon sa haba ng paglimita sa mobilidad ng tao sa bansa. Ang kooperasyon ng bawat isa ay hindi inuutos o nakukuha sa dahas kundi ito’y boluntaryong nakakakamit batay sa materyal na kundisyon. Hindi natin maaring sabihin sa kapwa natin na huwag lumabas ng bahay sa isang takdang panahon kung sa haba ng panahon na iyon ay hindi n’ya matutugunan ang kanyang pangangailangang mabuhay.
Karagdagan sa dapat tiyakin ng gobyerno ni Duterte ang tulong at serbisyo sa ating mga ofw na nasa mga bansang apektado ng pandemiya. Hindi sapat ang pagpigil sa pagpapaalis o pagsasara ng mga paliparan. Ang kailangan ay isang bilateral na kasunduang magtitiyak sa trabahong mababalikan sa kanilang mga bansang pansamantalang iniwanan. Ito ang silbi ng ating mga konsulato at embahada sa labas ng bansa. Ang pagtitiyak sa katayuan sa hanapbuhay ng ating mga manggagawa, kabilang na ang kaligtasan.
Ang pandemiyang COVID-19 ay isa ring aral sa atin na ang lahat ng bagay sa mundo ay magkakaugnay. Hindi natin maaring sabihin na hindi dapat makialam sa pulitika, dahil ang pulitika ang magtatakda ng iyong ekonomiya at kultura. Hindi natin pwedeng balewalain ang bulnerabileng bahagi ng ating mamamayan dahil ang patuloy na pagkalat ng sakit ay nakabatay din sa kanila. Hindi natin maaring sabihin na ang magiging biktima lang naman ng sakit ay mga may edad na. Hindi tayo Diyos para mamili kung sino ang dapat mamamatay at mabuhay , tulad narin sa nagaganap na mga extra judicial killings. At lalong hindi katanggap-tanggap na sabihing “mahirap ka, bahala kang mamatay sa hirap”.
Sapat na Ayudang Pang-ekonomiya, Hindi Militarized Lockdown!
Karagdagang Budyet sa Kalusugan at Tamang Apropriasyon sa Serbisyo Sosyal !
Itigil ang Anumang Uri ng Pribatisasyon sa Serbisyong Pampubliko!
Libreng Medikal, Hindi Militar! Gamot, Hindi Lockdown! Ospital, Hindi Selda!